Vice Ganda may hugot sa pagtulong: Kapag ako ba ‘yung tumulong dapat may presyo?

VICE GANDA

NAGLABAS ng sama ng loob ang TV host-comedian na si Vice Ganda ukol sa nakaraang isyu kung saan sangkot ang kaniyang pangalan.

Sa programa nitong “It’s Showtime”, inilahad ng Unkabogable Star ang kaniyang saloobin ukol umano sa kaniyang pagtulong na tila minasama pa ng ilang netizens.

“May natulungan ako. Hindi ko pinagmalaking tinulungan ko pero ‘yung tinulungan ko, sinabi niyang tinulungan ko siya. Tapos nilabas niya kung magkano ‘yung tinulong ko sa kanya. Tapos nabasa ko sa mga comments, ‘Ha? Ganon lang pala binigay ni Vice Ganda, 20,000 lang?

“Napalunok ako, kapag ako ba ‘yung tumulong dapat may presyo?, Tumulong na ako nang kusa, ayoko nga magpa-acknowledge kaya hindi ko sinasabi. Pero yung nilabas mo yung pangalan ko, tapos inokray pa ako ‘bakit 20,000 lang ang binigay?’ nasaktan ako.

“Kapag hindi ka tumulong parang ang sama sama mo, ‘pag tumulong ka kukwestyunin pa: ‘Bakit yun lang tinulong mo?’, that hurts,” pagbabahagi ni Vice sa kaniyang noontime program noong Setyembre 16.

Maraming netizens ang napagtahi-tahi ang salaysay ng komedyante at tila may kinalamanan ito sa status ni Ate Gay kung saan pinangalanan nito ang mga tumulong sa kaniya noong naospital siya at inilagay niya rin kung magkano ang inabot ng mga ito sa kaniya.

Nag-ugat kasi ito nang mag-post si Ate Gay na handa siyang mag-unfriend ng mga kaibigan na walang ibang ginawa kundi magreklamo sa gobyerno.

Napataas naman ang kilay ng mga netizens sa sinabing ito ni Ate Gay at may mangilan-ngilang nagsabi na sana ay hindi na lang siya tinulungan ni Vice na kilala bilang isa sa mga celebrities na aktibong kumakalampag sa mga maling gawi ng gobyerno.

At ngayon nga ay tila dismayado si Vice dahil siya na nga ang tumulong, siya pa itong binabash dahil sa halaga ng naitulong niya.

Ilang netizens naman ang nakisimpatya sa Unkabogable star at sinabing hindi lahat ay mapi-please niya.

Comment pa ng isang netizen, “Tulong is tulong, gaano man kalaki o kaliit.”

Hirit pa ng isang netizen, “Double standard talaga mga PINOY kapag ARTISTA ang tumulong ku-kwestyunin nyo bakit yan lang ibinigay? pero kapag GOBYERNO sasabihin nyo buti nga nagbigay pa e. So kapag ARTISTA ang tumulong obligado magbigay ng malaki kapag GOBYERNO kahit kakarampot binigay sasabihin nyo pasalamat ka na lang nagbigay pa?!???”

Read more...