Mas gugustuhin ni Pangulong Rodrigo Duterte na mamatay kaysa humarap sa imbestigasyon ng International Criminal Court.
Nahaharap sa kasong crimes against humanity ang Pangulo sa ICC dahil sa anti-drug war campaign.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, wala kasing hurisdiksyon ang ICC para pakialaman ang usaping pangloob ng Pilipinas.
Katwiran ni Roque, maayos na gumagana ang mga korte sa bansa.
Ayon kay Roque, walang reaksyon si Pangulong Duterte sa pasya ng ICC dahil noon pa man nanindigan na ang punong ehekutibo na mas gugustuhin na lamang niya ang mamatay bago humarap sa mga dayuhang huwes.
Iginiit pa ni Roque na kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute na nagtatag sa ICC at hindi ito makikipagtulungan sa nasabing korte.
Kumpiyansa ang Presidential Spokesperson na sa basurahan lamang dadamputin ang kaso na isinampa laban kay Pangulong Duterte.