Lovi, Piolo bibida sa Pinoy version ng hit K-drama na ‘Flower Of Evil’

Piolo Pascual at Lovi Poe

FOLLOW-UP ito sa nasulat namin dito sa BANDERA kagabi na ngayong araw ang contract signing ng bagong Kapamilya star na si Lovi Poe base sa inilabas na video ng Dreamscape Entertainment sa Instagram.

Bukod dito nabanggit din na may nagbabalik-Kapamilya rin na ang  hula nga namin ay si Piolo Pascual dahil nagbitaw siya ng salita noon sa isang panayam na, “See you soon.”

Pero hula ng iba ay si John Lloyd Cruz na hindi na mangyayari dahil nagkasundo na sila ng GMA 7 tungkol sa talent fee nito.

Going back to Piolo and Lovi ay bongga kaagad ang project nila handog ng Dreamscape Entertainment dahil sila nga ang magtatambal sa Pinoy version ng Korean suspense-drama na “Flower Of Evil” na ipinalabas sa South Korea noong July, 2020.

Sa madaling salita, isa nga sa mga dahilan kaya lumipat si Lovi sa Kapamilya network ay dahil makapareha na niya ang nag-iisang Piolo Pascual pagkatapos ng mahigit isang dekada niya sa GMA.

Naunang pumirma si Lovi ng exclusive contract sa Kapamilya network ngayong umaga at present dito sina ABS-CBN CEO Carlo Katigbak, Chief Operating Officer of Broadcast Cory Vidanes, ABS-CBN Chairman Mark Lopez, Group CFO at ABS-CBN Corporation Rick Tan, Jr, Dreamscape Entertainment head Deo Endrinal at ang manager ng aktres na si Leo Dominguez.

Sa art card na inilabas ng ABS-CBN ay may nakasulat na, “The guessing game is over as ABS-CBN revealed its new precious jewel, Lovi Poe.”

Pinasalamatan muna ng aktres ang GMA 7 sa ilang taon niyang pananatili roon at sa pag-aalagang ginawa sa kanya.

Hindi naman ito ang unang beses na nakapunta si Lovi sa Kapamilya network dahil may ilang TV guestings naman siya noon sa “Gandang Gabi Vice,” “Magandang Buhay” at “The Buzz”.

Gumawa rin siya ng iWant digital movie na “Malaya” na kinunan sa magagandang lugar sa Italy kasama si Zanjoe Marudo na idinirek ni Connie Macatuno handog ng Dreamscape Entertainment na ipinalabas noong 2020.

Samantala, pagkatapos ni Lovi ay si Piolo naman ang pumirma ng kontrata hudyat ng pagbabalik niya bilang Kapamilya, sabi nga niya noon sa isang panayam, “At the end of the day, I never left. I’m a Kapamilya through and through, I don’t have to reiterate that. I’ll be back home for sure, pagkatapos ng mga meetings for sure.”

Halos tatlong taon din ang nakalipas nang huling gumawa ng teleserye si Papa P, ang “Since I Found You” kasama sina JC de Vera, Alessandra de Rossi at Arci Muñoz.

At ngayon ay handang-handa na siyang sumabak sa lock in taping para sa “Flower Evil” kasama si Lovi.

Read more...