Senate face shield corruption probe: Bakit pinipigilan ni Duterte?

Ginamit na naman ni Pangulong Duterte ang weekly public address noong Martes upang tirahin at takutin ang mga taong hindi sumasang-ayon at sumusunod sa kanyang mga kagustuhan. Si Senator Richard Gordon at ang Senado (Senate Blue Ribbon Committee) ang ilan sa mga naging biktima nito. Imbes na pag-usapan ang tungkol sa lumalala at dumadaming COVID-19 infected persons, ang naging sentro ng kanyang talumpati ay ang nagaganap na Senate hearing/investigation tungkol sa sinasabing bilyun-bilyong overpriced na face shields, face masks, PPEs at iba pa.

Iginiit na naman na walang anomalya at corruption na nangyari sa pagbili ng mga protective medical gears. Binantaan si Gordon na mangangampanya laban dito sa susunod na election at direktang sinabi na mula ngayon, lahat ng Cabinet secretaries na ipapatawag sa hearing/investigation tungkol sa sinasabing overpriced na face shields at iba pa sa Senado ay kailangan muna ng kanyang “clearance” o go-signal bago ang mga ito ay makadalo rito.

Dapat na sigurong itigil ang weekly public address na sa una ay may layunin sanang maging daan at linya ng komunikasyon sa pagitan ng pamahalaan (national government) at taong-bayan tungkol sa umiiral na pandemyang COVID-19. Pero sa ngayon, bagamat pondo ng taong bayan ang tumutustos dito, ito ay naging isang one-man-political forum ni Duterte na ginagamit niya laban sa mga opposition, sa mga kalaban niya sa politika at sa mga taong kumukontra sa kanya. Ginagamit niya rin ito para isulong ang kanyang pansariling political agenda at interest.

Matatandaan na noong nakaraang linggo, hinila at pinipilit ni Duterte na idamay at isama sa usaping corruption (at ang pag-audit) ang Red Cross, kung saan national chairman at chief executive officer si Gordon. Nagbanta rin ito na ititigil ng gobyerno ang anumang transaksyon sa Red Cross. Ito ay maliwanag na pambabraso at paglalabis ng kapangyarihan sa parte ni Duterte. Halata naman na ito ay hindi lamang upang ilihis ang isyung corruption sa sinasabing overpriced na mga protective medical gear. Ito rin ay isang klarong pangha-harass sa Red Cross at lalo na kay Gordon upang maipatigil ang nagaganap na imbestigasyon sa Senado.

Sa galaw at salita ni Duterte tungkol sa nagaganap na imbestigasyon sa Senado at kung papaano nito pinagtatanggol ang dati niyang economic adviser na si Michael Yang at dating DBM Usec Lloyd Christopher Lao, hindi na tayo nagulat ng sinabi ni Duterte ang tungkol sa maaaring hindi pagsipot sa susunod ng kanyang mga Cabinet secretaries sa ginaganap na Senate hearing/investigation.

Asahan natin na gagawin lahat ni Duterte upang pigilan ang nagaganap na Senate hearing/investigation. Hindi umobra ang pananakot kanila Gordon at Senator Panfilo Lacson at sa Senado. Wala rin epekto ang klarong pangha-harass sa Red Cross. Lahat ng ito ay hindi napigilan ang hearing at imbestigasyon sa Senado.

Uubra ba ngayon ang bagong taktika ni Duterte upang mapatigil ang imbestigasyon sa Senado?

Sinubukan at ginamit na ito ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo upang mapigilan ang ginagawang hearing/ investigation ng Senado noon tungkol sa railway project ng North Luzon Railways Corporation at ang Fertilizer scam.

Itinakda ni Arroyo noon sa pamamagitan ng isang Executive Order na dapat munang kumuha ng pahintulot o consent sa pangulo ang mga head ng departments ng Executive Branch bago ito maka-appear o maka-attend sa isang congressional inquiries o hearing. Ngunit ito ay binasura at dineklarang walang bisa (void) ng Supreme Court sa kasong Senate vs Ermita (2006). Sa  madaling salita, kinatigan at kinilala ng korte ang kapangyarihan ng Senado na ipatawag ang mga opisyal ng gobyerno para dumalo sa isang hearing/investigation in aid of legislation na katulad na nagaganap ngayon sa Senado.

Alam ni Duterte at ng mga napakaraming opisyal na abogado sa Malacanang ang kasong Senate vs Ermita. Pero si Duturte ay si Duterte. Hindi niya kinikilala ang kasong ito. Ang importante kay Duterte, base na rin sa kanyang mga pananalita, ay mahinto ang hearing at imbestigasyon sa Senado.

Ano nga ba ang kinakatakot ni Duterte sa imbestigasyon na sinasagawa ngayon ng Senado? Mayroon ba talagang anomalya at corruption na nangyari kaya ayaw nitong ipatuloy ang imbestigasyon? May sasabit bang taga-Malacanang  o malapit sa kanya kaya ipinapatigil niya ito? Kung wala naman talagang anomalya at corruption, kagaya ng pinagpipilitan niya, wala naman dapat siyang ikatakot. Pero bakit halos ginagawa lahat ni Duterte ang paraan upang mapigilan ang nagaganap na imbestigasyon? Bakit nga ba Duterte?

Habang pinipigilan ni Duterte ang Senado sa pag-iimbistiga, patuloy at mananatiling simbolo ng corruption sa pamahalaang Duterte ang face shield at face mask sa gitna ng pandemyang COVID-19.

Read more...