John Arcilla
MATAPANG ang naging pahayag ng kauna-unahang Southeast Asian artist na nagwaging best actor 78th Venice Film Festival na si John Arcilla tungkol sa takbo ng politika sa bansa.
Naniniwala ang veteran actor na may pag-asa pang umunlad at maging mapayapa ang takbo ng buhay sa Pilipinas kung muling magtutulungan at magkakaisa ang mga taong nasa posisyon at ang mga mamamayan.
Ito rin ang isa sa mga ipinaglalaban ng pelikula nilang “On The Job: The Missing 8” kung saan nga siya nagwaging best actor sa Venice International filmfest na idinirek ni Erik Matti.
Tungkol ito sa paggamit ng mga malalaking sindikato at matataas na opisyal sa mga preso bilang mga hitmen-for-hire na siyang pumapatay sa mga journalists na naglalantad ng korapsiyon sa gobyerno.
“Because if you’re not going do something about such crimes and crisis in our society, this will not just stay, this will worsen.
“If people will be enlightened because of this film, sana ay may gawin din ‘yung tao, hindi lang basta imulat ‘yung mata,” ang pahayag ni John sa panayam ng ABS-CBN.
Isang paraan nga raw para kahit paano’y bumuti ang kalagayan ng sambayanang Filipino ay ang pagboto sa 2022 elections.
“Ang kailangan nating lider na mapili, iyong magsasakripisyo para sa bayan, iyong tuturuan talaga ang mamamayan na, ‘Ito ang ating karapatan.’ We have to educate our people, at bigyan sila ng dignidad.
“Iyong leader na hindi mangungurakot. Magtitiis, hindi magpapayaman. Uunahin talaga ‘yung kapakanan ng mamamayang Pilipino. ‘Ito ang inyong karapatan, ito ang dapat niyong marating.’
“Sana bumalik ‘yung mga bagay na natutunan natin noong tumindig tayo bilang isang bansa noong 1985,” aniya pa na ang tinutukoy ay ang makasaysayang People Power Revolution na nagpatalsik kay Ferdinand Marcos sa pwesto bilang pangulo.
Pagpapatuloy pa ng aktor, “Ang dapat malaman ng Filipino, ang nakaupo ay tagapaglingkod, hindi hari, hindi amo.
“Since I started as an actor, I’ve always had this belief that we are not just entertainers. We can also be catalysts for change. I believe actors and artists can transform a society.
“Because I believe that we entertain, but at the same time, we should also enlighten, and people should learn something from the stories they’re watching,” mariin pang pahayag ng aktor sa nasabing panayam.