John Lloyd Cruz
KINUMPIRMA ni ‘Nay Cristy Fermin sa radyo program nitong “Cristy Ferminute” kasama si Rommel Chika sa Radyo Singko 92.3 News FM kahapon, na hindi na tuloy ang paglipat ni John Lloyd Cruz sa GMA 7.
Bungad ni ‘Nay Cristy, “E, kumusta naman si John Lloyd Cruz ngayon?”
Sagot ni Rommel, hindi niya alam kung anong nangyari dahil ang init-init nu’ng pagpasok nito sa GMA na inakalang magdidiretso na siya dahil ipagpo-produce siya ni Willie Revillame ng programa na hindi natuloy at ang Kapuso network na ang solo producer pero ngayon ay wala na rin.
“Sayang, sayang na pagbabalik! Ang init-init dahil totoo namang magaling siyang aktor. At ang tao kapag may bitbit na talento kapag nawala sa kanyang pagbabalik ay dalawang kamay pa po siyang tinatanggap ng publiko,” pahayag ng radio host at batikang manunulat.
At saka binanggit na may kinalaman daw ito sa talent fee. Nabanggit pa na ang mga singer-artista ngayon ay pumapayag na mabawasan sila ng talent fee sa panahon ngayon.
“Bakit may kuwento kay John Lloyd na hindi nila pinagkasunduan ng GMA 7, e, TF o talent fee? Sayang naman ito. Nasayang naman ang kanyang pagbabalik na inaabangan pa naman ng buong bayan dahil John Lloyd Cruz nga siya,” sambit ni Nay Cristy.
Hirit ni Rommel Chika, “E, kasi Nay ang labanan ngayon parang kung sino ‘yung masipag at kung sino ‘yung nakikita madalas sa social media. E, si John Lloyd Cruz kasi walang social media ‘yan. Hindi active masyado sa IG niya. Hindi siya nagpo-post, hindi siya maingay tapos nagpapahinga pa siya.”
Sundot ni ‘Nay Cristy, “Sabi nila, hindi na uso ngayon ang over exposure. Ang nagkakaroon ng trabaho ngayon ay kung sino ang nakikita ng mga producers. Sayang, sayang na sayang si John Lloyd.
“Ang ganda-ganda ng sinasabing pagbabalik niya (at) nagtulay na nga si Willie Revillame hanggang sa hindi na sumama si Willie sa plano at GMA na nga raw ang sasalo doon sa proyekto. Nagmiting na rin sila ng mga ehekutibo, anong nangyari?”
Sapantaha naman ni Rommel Chika baka balik-Kapamilya ang aktor, “Puwede dahil doon naman siya talaga galing, di ba? Umingay lang ang pangalan ulit ni John Lloyd dahil kay Derek (Ramsay) at Ellen Adarna dahil nga may anak sila ni Ellen.
“Pagkatapos ng isyu na ‘yun, flat, (muwestra) wala na! Biglang wala na, di ba? Nakakalungkot kasi isa si John Lloyd sa artistang Filipino na tunay namang humakot ng pera para sa kanyang mga pelikulang sunud-sunod na matagumpay.
“At ‘yun din sana ang inaasahan ng mga kababayan natin sa kanyang pagbabalik na gagawa uli siya ng isang pelikulang hahamig na naman ng salapi ng bayan,” paliwanang ni ‘Nay Cristy.
Nabanggit pa nitong wala talagang kasiguraduhan ang mga artista at ang salitang walang forever ay bagay na bagay sa kanila.
“You’re only as good as your last movie, you’re only as good as your last series at pagkatapos no’n hindi na natin alam kung ano ang mangyayari sa kanilang karera walang kasiguraduhan,” opinyon pa ng radio host.