Sam Asghari at Britney Spears
IBINANDERA ng Pop Superstar na si Britney Spears sa buong universe na engaged na siya sa kanyang longtime boyfriend na si Sam Asghari.
Masayang ibinalita ng international singer sa pamamagitan ng kanyang social media account ang naganap na engagement kung saan buong-ningning niyang ipinagmalaki ang suot na singsing.
Ipinost ni Britney ang isang short video sa Instagram kung saan makikitang katabi niya si Sam Asghari habang ipinakikita ang kumikinang na engagement ring sa kanyang daliri na dinisenyo ng New York-based designer na si Roman Malayev.
“I can’t f***ing believe it,” ang caption ni Britney sa video with matching ring emojis.
Nag-post din si Sam sa kanyang IG page ng kissing photo nila ni Britney suot ang singsing gamit ang king and queen emojis.
Samantala, kinumpirma rin ng manager ni Sam na si Brandon Cohen na engaged na sila ni Britney.
“The couple made their long-standing relationship official today and are deeply touched by the support, dedication and love expressed to them,” ani Cohen sa isang official statement.
Sa mga hindi pa nakakaalam, si Sam, 27, ay isinilang sa Iran at isang personal trainer at aktor. Nagsimula silang mag-date ni Britney noong 2016.
Dalawang beses nang ikinasal ang Pop Superstar, 39. Una siyang nagpakasal sa kanyan childhood friend na si Jason Alexander sa Las Vegas noong 2004 ngunit na-annul din ito agad.
Kasunod nito, ikinasal naman siya sa dancer na si Kevin Federline at nagkaroon sila ng dalawang anak. Naghiwalay sila taong 2007.