Jao Mapa
SA nakaraang zoom mediacon ng pelikulang “Paraluman” ay naikuwento ni Jao Mapa na noong nagkapandemya last year ay nawalan talaga siya ng trabaho.
Ito yung panahong inilagay na sa enhanced community quarantine o ECQ ang buong Pilipinas sa loob ng ilang buwan.
Sa madaling salita walang negosyong bukas noon at kasama rin ang entertainment industry sa naapektuhan kaya ang mga artistang walang regular show at walang mga pelikula ay tuluyang nahirapan lalo’t wala silang ibang inaasahan kundi ang kita nila sa showbiz.
Isa si Jao sa matinding tinamaan ng pandemya at dito niya nasabi na labis niyang ipinagpapasalamat na tinapos niya ang kursong Fine Arts major in Advertising sa kolehiyo.
Kasikatan kasi ng aktor noong lisanin niya ang showbiz kaya marami ang nagulat dahil nandoon na nga naman siya pero bigla na lang nag-quit.
At sa live interview niya sa “I Speak” talkshow sa Facebook nitong Sabado ay nakuwento nga ni Jao na napagod daw siya at gusto niyang magpahinga.
“I said na I want to concentrate na lang ako sa studies, I want to finish my thesis, I want to graduate and I wanted to take a break.
“But it was hard for me also kasi nandoon ka na, eh (tuktok ng tagumpay) tapos bibitawan mo, bakit mo gagawin?
“Nagtataka lahat ang mga tao kasi nga nasa peak ako ng career ko, and those were my reasons at that time I was tired and I want to rest and finish college,” kuwento ng aktor.
Ngayon daw na-realize ni Jao na hindi niya dapat pagsisihan ang pag-alis niya noon sa showbiz dahil kung hindi niya ito ginawa malamang hindi niya natapos ang pag-aaral niya na dahilan kung bakit nabuhay sila nitong pandemya.
Pero nabanggit ng aktor na noong 2020 lang daw siya nagsimulang manalangin, “I started to pray the rosary second month beginning of a lockdown, April. I started praying the rosary everyday at wala akong mintis hanggang ngayon.
“At that time, I started painting watercolor, everyday may bago akong painting at ipo-post ko ‘yan sa IG to the point na binebenta ko na at doon na nagsimula ang pagbebenta ko online.
“Nakakaabot ako ng mga kliyente as far as New York City (USA), Tennessee (Nashville, USA) at nakaaabot ako as far as Cebu (sabay ngiti), Luzon, Visayas Mindanao. Pero mga Pilipino mga kliyente ko.
“I started selling my paintings for three thousand per piece hanggang umakyat na ng five tapos ngayon nasa ten (thousand) ano ‘yan 9×12 (sukat).
“Then acrylic na ginagamit ko so malaki na rin ‘yung mga (ginagawa) ko mala mural na 30×30, 3 feet by 5 feet. I also did online painting sessions and kumikita ako ro’n.
“So during the lockdown to tell you frankly, ito ‘yung sumalba sa amin, sa pamilya ko. buy food, paying for the bills. It wasn’t the showbiz, it wasn’t the taping.
“It was my painting and it came to my realization na magandang desisyon din pala na tinapos ko ‘yung pag-aaral ko,” buong kuwento ni Jao.
Pagtatapat pa ng aktor na matagal na niyang gustong bigyan ang misis niya ng alahas o singsing pero hindi niya nagawa kasi nga wala siyang extra budget dahil mas inuna niyang paghandaan ang pag-aaral ng tatlong anak.
“Christmas last year my wife wanted to put up a business, at may nakita siyang alahera sa FB nakilala siya at isinama niya ako at nu’ng nagkakilala na kami sabi ko ‘madam baka puwedeng mag-trade tayo sa jewelry mo and bags sa painting ko.
“Sa tanang buhay ko na gustung-gusto kong magbigay sa misis ko at nakakuha kami ng beautiful ring and bag. We came back pa for three times at ‘yung malalaking pantings ko, ‘yun ang trineyd ko.
“This is the only time that I was able to give jewelry and bags for my wife and so, thank you God salamat, salamat,” masayang kuwento ni Jao.
Kaya sobrang niyayakap niya ngayon ang pagpipinta dahil malaking bahagi ito sa buhay nilang pamilya.
Pero labis din siyang nagpapasalamat dahil nabigyan siya ng ikalawang pagkakataon sa showbiz through his manager Aster Amoyo na co-manage ng Viva Artist Agency kaya marami siyang projects at ito, leading man na siya sa “Paraluman” ni Rhen Escano na idinirek ni Yam Laranas na mapapanood sa Set. 24 sa Vivamax.