Kelvin Miranda 2 beses nagkadyowa ng ‘matanda’: Mahirap, kaya hindi nag-work

Kelvin Miranda at Beauty Gonzalez

WALANG keber na inamin ng Kapuso actor na si Kelvin Miranda na dalawang beses na siyang nagkaroon ng girlfriend na mas matanda sa kanya.

Ito ang dahilan kung bakit nakaka-relate siya sa tema at kuwento ng bago niyang mini-series sa GMA, ang “Stories from the Heart: Loving Miss Bridgette” kung saan makakatambal niya ang bagong Kapuso actress na si Beauty Gonzalez.

Kuwento ni Kelvin sa nakaraang virtual mediacon para sa nasabing serye, pareho raw hindi nag-work ang kanyang past relationship with older woman, 

“Na-experience ko na po, siguro twice. Pero hindi lang natutuloy kasi mahirap. Mahirap talagang i-reach yung expectation ng dalawang pinanggalingan.

“Which is, kahit ayaw nating mangyari at gusto lang nating intindihin ang pagmamahalan, marami pa rin kayong kailangang intindihin sa magkabilang panig.

“So mahirap mag-work. Siguro yung ganu’ng klaseng pagmamahalan na may malaking diperensiya sa edad, siguro sobrang lalim ng understanding nila, sobrang laki ng pinanghahawakan at tiwala nila sa isa’t isa,” chika pa ng lead star ng “Stories from the Heart: Loving Miss Bridgette.”
Hirit pa ni Kelvin, “Na-try ko siya pero hindi nag-work. Pero, na-try ko po.”

Gagampanan ng binata sa bagong serye ng GMA na mapapanood na simula sa Sept. 14 sa Afternoon Prime ang isang estudyante na mai-in love sa isang guidance counselor sa kanilang school.

Hiningan ng reaksyon si Kelvin sa paniniwalang mas tanggap daw ng publiko ang pakikipagrelasyon ng mas matandang lalaki sa babae kesa sa babae ang mas matanda sa lalaki.

“Ang opinyon ko po rito, halos pareho lang. Ang nangyayari, mas nadya-judge lang ang babae dahil mas mataas naman po talaga ang expectation natin sa mga kababaihan. Lalo na pagdating sa pagrespeto.

“Well kadalasan, hindi naman din sinisiraan ko ang mga kalalakihan, pero mas madalas na nakikitaan ng kamalian ang mga kalalakihan kesa sa mga kababaihan.

“Kaya siguro mas nagkakaroon ng kritisismo sa mga kababaihan lalo na kapag na-in love siya sa mas bata sa kanya, e. Mas marami siyang judgment na matatanggap kumpara sa mas matanda na lalaki kesa sa babae,” paliwanag ni Kelvin.

Ano naman ang masasabi niya sa bagong challenging project na ipinagkatiwala sa kanya ng GMA at siya talaga ang napiling leading man ni Beauty sa unang serye nito bilang Kapuso?

“Sobrang thankful lang ako dahil siyempre, de-kalibre naman talaga si Beauty pagdating sa pag-arte. Talagang ipapakita niya ang taglay niyang galing pagdating sa pagganap.

“So nakaka-inspire na every day, nakakatrabaho ko siya, e. Panibagong knowledge ang natutunan ko pagdating sa pang-araw-araw na nakakatrabaho ko siya. Kasi iba-iba.

“Iba-ibang atake, iba-ibang insights, iba-ibang perspective, iba-iba ang naririnig ko. Hindi lang kay Beauty, sa lahat ng cast. Kay Miss Bing (Loyzaga) na talagang gina-guide ako. Sa mga staff and crew, sa mga nakakakuwentuhan ko sa set.

“So sobrang thankful and grateful ko na ako ang binigyan ng chance or opportunity,” chika ni Kelvin.

Read more...