Bwelta ni Angel kay Roque: Bakit niya sinermunan ang mga medical workers?

Harry Roque at Angel Locsin

KASUNOD ng pagpapasalamat sa mga bayaning healthcare workers, binuweltahan naman ni Angel Locsin si Presidential spokesperson Harry Roque sa naging pahayag nito laban sa mga medical frontliners.

Hanggang ngayon ay hot topic pa rin ang viral video ni Roque kung saan sinagot nito ang panawagan ng mga doktor na huwag muna sanang luwagan ang quarantine restrictions sa Metro Manila. 

Naging emosyonal kasi ang opisyal at nakapagtaas ng boses habang nagpapaliwanag sa grupo ng mga doktor tungkol sa pagpapatupad ng community quarantine sa bansa.

“We employed the ‘entire government approach’ thinking about economic ramifications, thinking about the people who will go hungry. It does not mean that we care any less,” ang bahagi ng pahayag Roque.

Nauna rito, nakapagsalita rin ng hindi maganda si Roque tungkol sa mga health workers na kumokontra sa pagtakbo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagka-vice president sa  2022 elections. 

“Hindi ko po alam kung saang planeta nakatira ‘yang mga health workers na ayaw kay Presidente kasi buong daigdig po ang sinasalanta ng ganitong problema,” ang matapang na pahayag ni Roque.

Matindi ang inabot na batikos ng spokesman ni Presidente mula sa madlang pipol kaya naman napilitan din siyang mag-sorry at sinabing na-carried away lang siya sa sitwasyon.

Sa mga sikat na celebrities, isa si Angel sa mga nagpahayag ng saloobin tungkol sa viral video ni Roque na idinaan niya sa kanyang Instagram Story.

“Naiintindihan ko ‘yung concern para makapaghanap-buhay na ang mga tao. Pero bakit niya sinermonan ‘yung mga medical workers natin pagkatapos ipatawag para humingi ng opinyon?” simulang pahayag ng Kapamilya actress.

“Di ba spokesperson siya ng presidente? Siya na rin ba ang DOH o employer ng medical workers?” aniya pa.

Kasunod nito, ibinandera rin niya ang issue sa delayed benefits ng mga health care workers sa gitna ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa dulot ng Delta variant.

“Ang employee may karapatan na benefits. Ibigay kaya muna ‘yung benefits na hindi pa nababayaran,” sabi pa ni Angel.

Read more...