Vice Ganda, Paolo Ballesteros at Ate Gay
HANGGANG ngayon ay binabatikos pa rin ng mga netizens ang stand-up comedian na si Ate Gay dahil sa pagtatanggol niya sa Duterte administration.
Bukod sa pangnenega sa kanya ay may mga bashers pa na nagsabing sana raw ay hindi na siya tinulungan ng mga kaibigan niyang artista noong nagkasakit siya, kabilang na ang TV host-comedian na si Vice Ganda.
Isa naman si Vice sa mga celebrities na hayagang naglalabas ng saloobin at pagpuna sa mga sablay at kakulangan ng pamahalaan sa pagresponde sa mga problema ng mga Filipino ngayong panahon ng pandemya.
Hindi nagustuhan ng maraming netizens, kabilang na ang mga galit kay Pangulong Rodrigo Duterte, ang pahayag ni Ate Gay tungkol sa mga “kaibigan” niyang walang ginawa kundi ang magreklamo at tirahin ang gobyerno.
Aniya, “Delete ko mga friends ko dito na walang ginawa kundi mangnega ng umaga ang manisi ang sisihin ang gobyerno .. basa din alamin ang pinagmulan ng paghihirap ng pinas.. simulan nyo ng 1986.”
Nilait at kung anu-anong malilisyosong salita ang ibinato laban sa impersonator ni Nora Aunor ng mga haters at idinamay pa ang mga kaibigan niya sa showbiz kaya naman naalarma na ang komedyante.
Sa kanyang Facebook account, nag-post si Ate Gay ng mensahe kung saan pinangalanan niya ang mga artistang tumulong sa kanya at kung magkano ang ibinigay ng mga ito noong nagkasakit at naospital siya.
Pahayag ni Ate Gay, “Para matigil na ito .. eto mga nagbigay sa aking hindi ko hiningi …
“Paolo balesteros 30k, beks batallion 30k, calvin chua 20k, vice ganda 20k, ogie diaz 10k, ogie alcasid/teri onor 10k, sir jon 10k…at ang kapatid ko 600k…
“Yung mga nagbigay sa akin di ginalaw ng kapatid ko bagkus ginastos ko sa renta sa condo maintenace ko at ng nanay ko… wala naman po akong trabaho kaya di sinama ng kapatid ko ang mga bigay ng mga kaibigan ko,” ayon pa sa post ng komedyante.
Sa huli, nakiusap nga si Ate Gay na sana’y huwag na sanang idamay ng mga galit sa kanya ang mga kaibigan niya dahil nahihiya siya sa mga ito.
“Sana po wag nyo na kayong mandamay ng ibang tao .. nahihiya ako sa kanila …salamat,” mensahe pa ni Ate Gay.