Mahalaga ang Set. 11 para sa 12 kalahok na nagtatagisan sa 2021 Aliwan Fiesta Digital Queen contest. Ipalalabas na online ang unang segment ngayong araw, at sinimulan na rin ang botohan para sa “Netizen’s Choice Award.”
Aliwan Fiesta Digital Queen ang virtual na pagdiriwang ng ganda ng mga Pilipina at kultura ng Pilipinas. Itinaguyod ito ng Manila Broadcasting Co. (MBC) simula noong 2020 dahil hindi pa maidaos ang taunang Reyna ng Aliwan bunsod ng mga pagbabawal na ipinataw ng pamahalaan upang tugunan ang pandemyang bunga ng COVID-19.
Nilinaw ni MBC President Ruperto Nicdao Jr. sa Inquirer na hiwalay na patimpalak ang Aliwan Fiesta Digital Queen sa Reyna ng Aliwan, subalit iisa ang mithiin.
Binuksan na ng MBC ang botohan para sa “Netizen’s Choice Award” simula Set. 11. Maaring bumoto ng isang kandidata kada araw, kada account, hanggang Okt. 3. Pumunta lang sa website ng DZRH.
Magtatagisan ang 12 finalists sa iba’t ibang paligsahan na tatakbo ng limang linggo
Ipakikita ng mga kandidata ang mga putahe, produkto, at pista ng kani-kanilang mga lugar sa “Pride of Place” segment sa Set. 11. Sa Set. 18 naman, ipamamalas nila ang kanilang angking husay sa “Talent and Skills” competition.
Sa Set. 25, ilalahad ng mga kinatawan ang kani-kanialng community projects, ang papel nila sa mga ito, at mithiin para sa hinaharap ng proyekto sa “Queens for a Cause” segment.
Magtatagisan naman sa evening gown competition ang mga kandidata at haharap sa tanong ng mga inampalan sa Okt. 2.
Hihirangin naman ang 2021 Aliwan Fiesta Digital Queen sa Okt. 9. Mag-uuwi siya ng P50,000, at may katumbas ding halaga para sa mapipili niyang charitable program sa kaniyang lungsod o bayan.
Mapapanood ang lahat ng yugto ng patimpalak sa Aliwan Fiesta Facebook page, at sa iba’t ibang digital platform ng MBC. Ilalabas ang mga ito tuwing Sabado, alas-7 ng gabi.
Mapapanood din ang coronation ceremonies sa DZRH TV.