Ogie Diaz: Pinag-iisipan kong tumakbong presidente o kaya senador…pwede na po ba ‘ko?

Ogie Diaz

ANO nga ba dalat ang qualifications para isang public official na magsisilbi sa mga kababayan niya sa bansang Pilipinas?

Ang dami-dami kasing gustong kumandidato sa 2022 pero hindi naman kongkreto kung ano ang plano nila basta masabi lang na gusto nilang maglingkod sa bayan.

Marami namang nagsabi na puwede namang tumulong kahit  wala sa posisyon at manggagaling ang pondo sa sariling bulsa tulad ng host ng “Wowowin” na si Willie Revillame.

May mga tapat namang nagsasabi na kaya nila gustong kumandidato ay para mas may malaki silang pondo na maibibigay sa mga nangangailangan lalo na’t kung buong Pilipinas ang gusto mong tulungan.

Isa rin ang talent manager at content provider na si Ogie Diaz ang maraming natutulungan pero wala siyang posisyon sa gobyerno. Kaya napaisip siya na para mas dumami ang pondo niya (para mas marami siyang matulungan) ay baka maaari rin siyang kumandidato.

Sa kanyang Facebook page ay ni-repost ni Ogie ang mga larawan ng mga kakandidado sa Halalan 2022.

Narito ang mahabang pahayag ni Ogie, “Pinag-iisipan ko ngayong tumakbong Presidente o kaya pwede ring senador. Na-inspire ako sa line-up, eh.

“Kung sa experience, meron naman po akong experience. Both sex po ba? Pero promise po, wala pa po ako experience sa hayop.

“Bakit ako magpe-Presidente? Aba, hindi nyo naitatanong, hanggang ngayon po, presidente ako ng homeowner’s association sa compound namin. Okay na ba yon? O dagdagan ko pa?

“34 years na din po ako sa movie industry, nakagawa na rin po ako ng mahigit 40 movies, ang dami ko na ring teleseryeng nagawa na puro ako alalay o sidekick.

“Naging talent manager din po ako mula pa nu’ng 2003 hanggang sa kasalukuyan.

“Ay, eto. One of the board of trustees ako ng Kasuso Foundation, kung saan meron kaming almost 500 breast cancer patients; tapos, kami rin po ang katuwang ni Sir Nap Marilag sa Dugong Alay Dugtong Buhay (parang Red Cross).

“Meron din po akong fanpage na may 2M followers na, pwera pa itong personal account ko na may 500k plus followers.

“Ay, nga pala. Okay na ba yung followers ko sa instagram? 382k lang kasi yon, eh. Pero may 500k twitter followers naman po ako.

“Tapos po, meron din po akong 2.4M subscribers on Ogie Diaz Channel sa Youtube tapos, malapit na din pong mag 500k subscribers ‘yung Ogie Diaz Showbiz Update.

“Marami na din po akong nai-contribute na blind item at tsika sa MGA TSISMOSANG KAPITBALUR (OH, ETO NA NGA! SI ANO…).

“Ammm, ano pa ba? Kailangan ba ‘yung galing sa hirap? Ay, nako, hindi nyo naitatanong, baklang Sampaloc (Manila) po ako. Du’n po kasi ako ipinanganak.

“Tapos po, fan po ako rati ni Aga Muhlach, nagpupunta pa ako ng bahay niya sa New York, Cubao; naging alalay din po ako ni Ate Cristy Fermin.

“Pamilya? Ay, limang anak na babae po. All biological po kay Mommy Sowl. Yes po, tinitigasan din po ako sa babae. Kaya nga nakalima ang bakla.

“O, siya. Pag meron pong kulang na requirement o di pa kayo satisfied sa qualification na maging Presidente o senador or gusto n’yo ng mas nakakaawang kwento, idadagdag ko na din po na dati po akong nagtinda ng yosi at diyaryo sa traffic, nagtinda rin ng banana cue. Saka palitaw.

“Actually, sinubukan ko pong mag-callboy nu’ng teenager, kaso, nakalimutan ko, bakla na pala ako no’n, kaya hindi na pwede.

“Promise po, hindi po ako magnanakaw, dahil masakit po sa ulo ang magsinungaling. ‘Yung andami mo ngang nakaw, pero araw-araw kang binabagabag ng kunsensiya mo. Masarap pa ring matulog na walang inapi at kinulimbat.

“Let me know po kung kulang pa yan, dadagdagan natin. Kahit mag-imbento na po ako. Tutal, uso naman yon sa panahon ngayon. So ano po? Pwede na po ba ako?”

Read more...