Kiray namatayan uli ng mahal sa buhay: Durog na durog ako, ba’t mo ‘ko iniwan Sister Marina?

Kiray Celis at Sister Marina

HINDI pa man lubusang nakaka-recover ang Kapuso comedienne na si Kiray Celis sa pagkamatay ng kaibigang si Mahal, durog na naman ang kanyang puso sa pagpanaw ng isa pang mahal niya sa buhay.

Ibinalita ng komedyana sa pamamagitan ng kanyang Instagram account na namaalam na rin ang isang madreng napakalapit sa kanyang puso.

Nag-post si Kiray ng ilang mga litrato sa IG kung saan kasama niya si Sister Marina. Makikita rito ang mga throwback photos nila ng madre noong batang-bata pa siya.

Aniya sa caption, “Iniwan na naman ako ng taong isa sa mga pinakamamahal ko… Sister Marina ko.. ba’t mo ‘ko iniwan? 

“Sabi ko sa ‘yo ‘di ba bibilhan pa kita ng truck. Promise ko ‘yun sa ‘yo di ba? Ang bigat naman ng 2021,” pahayag pa ni Kiray sa pagpanaw ng madre.

Ayon pa sa Kapuso actress, isa raw si Sister Marina sa mga tumulong sa kanya para ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral noong mga panahong hindi na siya kayang pag-aralin ng mga magulang sa private school.

“Sa mga hindi po nakakaalam, isa po si Sister Marina sa mga nagpaaral sa ‘kin sa St. Paul… Hindi po ako kayang pag-aralin ng mga magulang ko sa private school nun. Pero tinulungan niyo ako ni Sister Theresia,” pagbabalik-tanaw pa ni Kiray.

Narito naman ang naging mensahe ng komedyana sa pagpanaw ni Sister Marina, “At ngayon… magkasama na kayo sa heaven. Alam ko happy na kayo kasi kasama niyo na ‘yung one and only love niyong si Papa Jesus. 

“Mahal na mahal ko kayo Sister. Habang tina-type ko ‘to, iyak pa rin ako nang iyak. Miss na miss ko na mga yakap at halik mo. Durog na durog ako. 

“Wala akong masabi kundi maraming salamat at mahal na mahal kita… Mahal na mahal Sister Marina,” pahayag pa ng dalaga.

Nauna rito, sinabi ni Kiray na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matanggap na patay na si Mahal. Feeling daw niya ay parang hindi totoo ang pagkawala ng komedyana na namatay nga dahil sa COVID-19 complications.

Aniya, habangbuhay niyang ite-treasure ang masasayang alaala nila ni Mahal na naging malapit sa kanya nang magkasama sila sa Kapuso series na “Owe My Love” na pinagbidahan nina Lovi Poe at Benjamin Alves.

Read more...