Kylie burado ang pagiging beauty queen sa The Housemaid; Jaclyn agaw-eksena ang pagmumura

Kylie Verzosa at Albert Martinez

TAMA ang sinabi ni Direk Roman Perez na ibinigay lahat ng dating beauty queen na si Kylie Verzosa para mabigyan ng hustisya ang role niya sa erotic-thriller movie na “The Housemaid.” 

Napanood na namin ang bagong offering ng Viva Films at in fairness, na-enjoy namin ang kabuuan ng pelikula. Ito ang Pinoy version ng 2010 South Korean film na may kapareho ring titulo.

Sa nakaraang virtual mediacon ng pelikula, sinabi ni Kylie na ito na ang pinaka-challenging at pinaka-daring na role na ginawa niya na totoo naman dahil nga sa mga maiinit at nakakalokang eksena nila ni Albert Martinez.

Yung napapanood natin sa trailer ng “The Housemaid” ay talagang patikim pa lang dahil mas matindi pa roon ang pinaggagawa nina Kylie at Albert sa movie na siguradong ikasa-shock ng manonood.

At sure na sure kami na mas marami pa ang magpapantasya sa girlfriend ni Jake Cuenca kapag napanood na nila ang pelikula, lalo na ang eksena kung saan nag-uusap sila ni Jaclyn Jose habang nagpapahid siya ng lotion sa buo niyang katawan.

Nagtagumpay din ang dalaga na maipakita ang husay niya sa pag-arte at tanggalin ang aura ng pagiging beauty queen. Kapani-paniwala naman ang akting niya bilang isang kaakit-akit na housemaid.

Sabi nga ni Kylie, “Sobrang nagustuhan ko kasi yung material to begin with. It’s medyo dark, medyo offbeat siya and yun yung medyo gusto ko kasing maging track ko. 

“Known nga talaga ako as a beauty queen so it was not the usual choice for the usual beauty queen pero mahilig din talaga ako sa mga psychological thriller na genre and nu’ng binigay sa akin ito and knowing na Cannes Film Festival entry pa siya (Korean version), then napa-yes ako sa kanya,” sey pa ni Kylie.

“Kailangan talaga tanggalin yung buong beauty queen na yun. Hindi ka puwede maging beauty queen dito sa set or kahit anong set kasi sobrang layo ng character ko talaga kay Daisy so winorkshop talaga namin ni Direk.

“Nag-uusap talaga kami every night para himayin talaga kung sino ba talaga si Daisy. Very challenging talaga siya sa akin pero feeling ko naman nagawa namin nang mabuti,” kuwento pa ng dalaga.

Makapigil-hininga rin ang ilang eksena sa pelikula, kaya talagang pati ang manonood ay kakabahan kung ano na ang susunod na mangyayari kay Daisy matapos pumatol sa kanyang amo. 

And as expected, agaw-eksena na naman si Jaclyn Jose sa movie lalo na ang monologue niya habang tumutungga ng alak. Talagang super clap kami sa tagpong yun at napainom din kami ng red wine! Ha-hahahaha! 

Hindi na kami magdedetalye tungkol sa tema at kuwento ng “The Housemaid” pero na-shock talaga kami sa ginawa ng karakter ni Kylie sa ending. Yun ang nakakaloka nang bonggang-bongga!  

Pahayag nga ni Kylie, “Sobrang excited na ako pero at the same time ninenerbiyos kasi it’s my first time na ako talaga yung parang na-highlight nung Viva. Pero siyempre it’s the whole cast na makikita dito and collaborative naman yung film. 

“Pero kinakabahan talaga ako and sana magustuhan niyo talaga kasi feeling ko magugustuhan niyo yung film and kung original fan kasi kayo ng movie, yung ginawa ni direk Roman sobrang swak sa original film per scene yun,” aniya pa.

Mapapanood na ang “The Housemaid” sa Vivamax simula bukas, Sept. 10. Bukod kina Albert at Jaclyn, bongga rin ang role sa pelikula nina Louise delos Reyes at Alma Moreno.

Read more...