Angel Locsin
MULING nagpaabot ng pagsuporta at pagmamahal ang Kapamilya TV host-actress na si Angel Locsin sa lahat ng bayaning Pinoy healthcare workers.
Sa kanyang Instagram page, nagbahagi ng mensahe ang bagong kasal na aktres para magpasalamat at bigyang-pagsaludo ang mga medical workers na patuloy na nakikipaglaban kontra-COVID-19.
Ayon kay Angel, hindi matatawaran ang ginagawang pagbubuwis ng buhay ng mga doktor, nurse at iba pang heathcare workers ngayong panahon ng pandemya, lalo na ang mga nangangalaga sa mga kababayan nating tinatamaan ng COVID-19.
Nakikisimpatiya rin ang misis ng film producer na si Neil Arce sa lahat ng mga nangungulila na sa kanilang mga pamilya dahil nga hindi pa rin nila mapuntahan at mabisita nang personal ang kanilang mga kapamilya, lalo na yung mga nakikipaglaban sa killer virus.
Pahayag ni Angel, “To those who can’t go & console family & friends fighting their battles alone.
“I feel you. I wish for you to overcome whatever it is you are going through,” aniya pa.
Na-realize rin daw ng aktres na maaaring magpatuloy ang ikot ng mundo kahit kahit walang mga negosyante, pulisya, militar, pulitiko at mga artistang tulad niya.
Pero naniniwala siya na hinding-hindi makaka-survive ang mga tao kung walang healthcare workers lalo na ngayong may pandemya sa buong mundo.
Pagpapatuloy pa niya, “This crisis has made me realize that the world can work without politicians, businessmen, police, and even without actors like me.
“But the world can never work without health workers.
“Again, thank you for all that you do. Sending everyone strength, hope, and love,” pahayag pa ni Angel.
Sa huli, naniniwala pa rin ang Kapamilya star na malalampasan din ng mga Filipino ang lahat ng pagsubok na ito at darating din ang araw na babalik din sa normal ang sitwasyon ng sambayanang Pinoy.
Umani naman ng mga positibong comments mula sa netizens ang IG post ng actress-philanthropist, kabilang na ang mga celebrity friends niya tulad nina Iza Calzado, Agot Isidro, Dimples Romana, Arci Muñoz, Tim Yap at marami pang iba.
Isa si Angel sa mga artistang talagang naglalaan ng pera at panahon para makapagbigay ng tulong sa mga nangangailangan nating mga kababayan, lalo na noong kasagsagan ng lockdown dulot ng pandemya.