Chariz: Pag hindi na kayo nag-uusap ng partner mo, ‘yun ang nakakatakot

NAGBAHAGI ang Kapuso comedienne na si Chariz Solomon sa publiko ng ilang detalye tungkol sa paghihiwalay nila ng kanyang asawa at ama ng dalawa niyang anak.

Inamin ng “Bubble Gang” star na medyo nagka-trauma siya noong maghiwalay ang kanyang mga magulang noong bata pa siya kaya naman nangako siya sa sarili na gagawin niya ang lahat para magkaroon ng masaya at buong pamilya.

Kuwento ni Chariz sa panayam ng Smart Parenting, four years old lang siya noong iwan sila ng kanyang tatay at makalipas ang dalawang taon ay ang nanay naman niya ang umalis.

Dahil dito, nagpalipat-lipat sila ng bahay ng kanyang mga kapatid at nanirahan sa kanilang mga kamag-anak. Kaya ang ipinangako raw niya sa sarili noon, “I won’t have a broken family. E, kaso naghiwalay kami nu’ng first husband ko.” 

Aniya, ang pagbabago sa mga priorities sa buhay at compatibility issues ang naging ugat ng pagkasira ng kanilang relasyon hanggang sa magdesisyon na silang maghiwalay na lamang.

Sabi pa ni Chariz, may ilang signs na dapat isaalang-alang at bigyang-atensiyon ang mga mag-asawa para hindi na umabot sa mga seryosong problema ang mga marital issue.

“Kapag hindi na kayo nag-uusap, ‘yun ‘yung medyo nakakatakot na, e. Talagang major, major red flag ‘yun,” aniya.

“So, it’s important to talk in a healthy manner. Kasi talking pero just saying bad words and cursing each other is not good. Pero ‘yung talking talaga healthily,” dagdag pa ng Kapuso actress.

Payo pa ni Chariz, tama ang palaging sinasabi ng mga nakatatanda na hangga’t maaari ay huwag salubungin ang galit ng isa’t isa para maiwasan ang mainitang pagtatalo.

“Maganda rin ‘yung talagang magpahupa ka muna, tapos kapag na-evaluate mo na sa sarili mo, naisip mo rin na, ‘Ah! Mali ka rin! Ikaw din kasi, e.’ Saka kayo mag-usap,” paliwanag ni Chariz.

Siniguro naman ng aktres na maayos ang relasyon nila ng kanyang ex-husband na si Nestor Ng. Pinuri pa niya ito sa pagiging mabuti at responsableng ama sa mga anak nilang sina Apollo at Ali.

“Sobrang okay kami. And nooog una siyempre, hindi. Pero ngayon, okay kami. And I can talk about it now,” lahad pa ng Kapuso star.

Sa ngayon, masaya na si Chariz sa piling ng bago niyang karelasyon, ang professional DJ na si Vince Teotico na siyang tatay na ikatlo niyang anak na si Andreas Manolo na isinilang noong Sept. 30, 2020.

Sa huli, nabanggit ni Chariz na isa sa mga realization niya ngayong panahon ng pandemya ay ang pagpapasalamat sa mga blessings na dumarating sa ating buhay kahit gaano pa ito kaliit.

“Just look at the simple things in life. But, you cannot have everything you want. Hindi lahat ibibigay sa ‘yo, pero merong mga bagay na you didn’t ask for but God gave you. So you should look at that,” sabi ni Chariz Solomon.

Read more...