Emma Watson, Anna Vicente at Bea Alonzo
TILA hiyang-hiya ang Kapuso actress na si Anna Vicente kapag may nagsasabi sa kanya na malaki ang pagkakahawig niya sa bagong Kapuso star na si Bea Alonzo.
Araw-araw napapanood si Anna sa GMA Afternoon Prime series na “Ang Dalawang Ikaw” kasama sina Ken Chan at Rita Daniela at may mga eksena ngang kamukhang-kamukha niya si Bea.
“Marami pong nagsasabi ‘yung kay Bea po, at siyempre, happy ako ngayon na nasa GMA na po si Ms. Bea Alonzo and ka-look alike ko talaga siya, ‘di ba?” reaksyon ni Anna sa panayam ng GMA.
Kasunod nito, nagparamdam nga ang dalaga sa mga bossing ng Kapuso network na sana’y mabigyan din siya ng chance na makatrabaho ang award-winning actress.
“Baka naman, GMA? Dream ko po makatrabaho si Ms. Bea. Ang dami ko pong nababasa sa comments lagi na kahawig ko daw po si Ms. Bea Alonzo. Siyempre nakaka-flatter,” pahayag pa ni Anna.
Bukod kay Bea, may mga nagsasabi rin na kahawig niya ang international actress na si Emma Watson, “Grabe naman ‘yun! Medyo kailangan pa ng konting humpak sa face.
“Pero siyempre, flattered po and minsan akala ko binobola lang ako ng mga tao na kamukha ko si Emma Watson. Pero kapag dumarami na ‘yung mga nagsasabi, parang napi-feel mo na rin. So okay sige po, thank you,” reaksyon pa ng dalaga.
Samantala, sa nalalapit na pagtatapos ng “Ang Dalawang Ikaw” kung saan gumaganap nga si Anna bilang ang kontrabidang si Beatrice, mas lalo kaya siyang kamuhian ng mga manonood?
Ayon kay Anna, yan ang dapat abangan ng manonood sa pasabog na ending ng serye kaya huwag na huwag na raw bibitiw ang viewers.
Nabanggit din ng aktres na ang kanyang role sa “Ang Dalawang Ikaw” ang pinakabonggang project niya sa GMA, “Happy ako kasi ‘yung Beatrice na role ‘yung nakuha ko kasi si Beatrice kung iintindihin mo talaga ‘yung personality n’ya at kung ano ‘yung nangyayari sa kanya, hindi talaga s’ya ‘yung kontrabidang wala lang magawa. Kumbaga meron siyang pinaglalaban.
“Meron siyang na-experience kaya siya nagiging gano’n kaya siya parang nagiging kontrabida dahil sa pain niya, sa pinagdaanan niya,” paliwanag niya.
“As an artist talaga, ‘yun e, you have to use your pain para maging personalized ‘yung ginagawa mo para hindi parehong arte kay ganito, kay ganyan so it has to be personalized.
“Pero, siyempre, I included my pains in the past pero, siyempre, wala pa naman inagawan so far,” sey pa ni Anna.
Tutukan ang pasabog na finale ng “Ang Dalawang Ikaw,” 3:25 p.m., pagkatapos ng “Nagbabagang Luha” sa GMA Afternoon Prime.