Pagbagsak ni Duterte dahil sa corruption

Nitong mga nakalipas na linggo, kaliwa’t kanan ang mga naglalabasang balita tungkol sa corruption sa ilalim ng pamahalaang Duterte. Ang malala, kung totoo nga ang mga ito, nangyari ang mga katiwalian sa gitna ng kalamidad, habang ang buong sambayanan ay naghihirap dulot ng pandemyang COVID-19.

Hindi na natin kailangan sabihin na ang pagpapabaya, pagsasamantala, pagnanakaw at pangungulimbat ng pondo ng taong-bayan sa gitna ng pandemya ang isa sa pinakamasang magagawa ng kawani o opisyal ng gobyerno. Tagus hanggang buto sa kasamaan, ika nga, ng sinuman ang gumawa ng ganito.

Ang sinasabing overpriced na face shield, face mask, PPE at iba pa, na nagkakahalaga ng bilyon-bilyon, na binili sa isang pribadong kumpanya na konektado sa kaibigan ni Pangulong Duterte (at dati niyang economic advisor to the president) at kinasangkutan ng mga personalidad na malapit sa kanya (Duterte) ang nangunguna sa listahan ng mga maaaring katiwalian. Nandyan din ang balitang overpriced na Sinovac vaccine at mga ambulance ng Department of Health (DOH) na una ng pinuna ng isang senador. Mga nagmamahalang laptops para sana sa DOH at Department of Information and Communications Technology (DICT). Kaduda-dudang pagbili ng sanitary napkins ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa isang construction firm na ngayon ay hindi na makita sa binigay na address. Ang mga pondong inilaan para labanan ang pandemya at matulungan na maibsan ang paghihirap ng taong-bayan ngunit hindi ginamit. Mga ayuda o Social Amelioration Program (SAP) funds na hindi pa naipamimigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Marami-rami rin ang listahan ng Commission on Audit (COA) ng mga government agencies na hindi sumunod sa tamang patakaran ng paggamit ng pondo ng bayan.

Hindi na tayo nagulat ng imbes harapin at sagutin ang mga isiniwalat, sumbong at reklamong corruption, inaway ni Duterte ang COA, isang institution nilikha ng constitution upang maging “guardian of public funds.” Inaway, pinaratangan at tinakot din ni Duterte ang ilang senador na nagsagawa ng investigation/hearing in aid of legislation sa Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa mga nasabing corruption.

Personal na ininsulto si Senator Gordon, pati na ang Philippine Red Cross ay dinamay, at ano ba ang connection ng buhok ni Senator Lacson para patunayan ni Duterte na walang katiwalian sa kanyang pamahalaan. Sinabing may corruption sa COA at inutusan ang mga Cabinet secretaries na huwag sundin ito. Pinagbantaang i-audit ang COA at ang mga government agencies kung siya ay manalo sa 2022 bilang vice president (VP) bagamat bilang abogado at pangulo ng bansa dapat alam niya na walang kapangyarihan ang VP na gawin ito.

Nauna rito, ilang beses niya na rin tinakot ang mga state auditor ng COA dahil sa mga paninita nito sa mga government transaction. Sinabihan ang COA na baguhin o amendahan (reconfigure) ang mga audit reports, bagay na alam niya bilang abogado na hindi pwedeng gawin dahil ito ay direktang labag sa batas. At ngayon, inuutusan ang COA na i-audit ang Philippine Red Cross, isang private entity, upang ipakita na ginagamit ni Senator Gordon ang pondo nito.

May bintang na corruption at dapat lamang itong direktang sagutin sa pamamagitan ng tamang pagpapaliwanag o pagpapakita ng mga dokumentong magpapatunay na walang nangyaring katiwalian.

Ipakita na hindi nabigyan ang kanyang kaibigan at dati niyang economic adviser ng pabor ng bumili ang Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM), na pinamumunuan ng isang taga Davao City at malapit din sa kanya, ng bilyon-bilyon halaga ng face shields, face masks at iba pa, sa kasagsagan ng pandemyang COVID-19.

Hindi uubra na sasabihin na lang ni Duterte na walang corruption na nangyari sa kanyang pamahalaan, lalo na sa face shield, face mask transaction, period, end of discussion. O kaya yung madalas niyang sabihin na walang kakwenta-kwentang argumento na hindi yan magnanakaw sa gobyerno dahil mayaman na yan, dahil bilyonaryo na yan. Hindi ito katanggap-tanggap sa mamamayan.

Ang mga sinasabi at ginagawa ngayon ni Duterte upang labanan ang mga usapin at akusasyong corruption laban sa kanyang pamahalaan, lalo na ang sinasabing overpriced na face shield at face mask, ay hindi nakakatulong o nakakabuti sa kanya at sa kanyang pamahalaan. Tinitignan ito ng ating mga mamayan bilang isang pag iwas sa tunay na issue. Isang diversionary tactics. Dahil hindi masagot o ayaw sagutin ang mga sinasabing corruption at dahil umiiwas at nagpapalabas ng ibang isyung hindi konektado o sagot sa paratang na katiwalian, maaaring isipin ng sambayanan na nagkaroon nga ng corruption partikular sa face shield at face mask transaction.

Kung ipagpapatuloy ni Duterte at ng Malacanãng ang ganitong linya at depensa para sagutin ang mga naglalabasang isyung corruption, maaaring lubusan ng mawalan ng tiwala ang mga taong-bayan sa pangulo at ikabagsak niya ito.

Ang face shield at face mask ay simbolo ng corruption. Ipinapaalala nito sa sambayanan ang katiwalian at pagsasamantala sa kanila sa panahon at kasagsagan ng pandemyang COVID-19.

Read more...