Habangbuhay dadalhin ni Paolo kung anuman ang kasalanang nagawa niya — Lolit Solis

Paolo Contis at LJ Reyes

NAKIKISIMPATYA na ang manager ni Paolo Contis na si Manay Lolit Solis kay LJ Reyes kasabay ng pagsasabing hindi niya kinakampihan ang alaga.

Sa Instagram post ni Manay Lolit ay sinabi nitong naaawa siya kay LJ dahil dalawang beses na itong nahiwalay sa mga ama ng kanyang mga anak na sina Aki at Summer.

At napakahirap daw maging solo parent kaya sana ay makatagpo raw ang aktres ng lalaking tulad ng natagpuan ni Lian Paz, ex-wife ni Paolo at ina ng dalawa niyang anak na babae.

Ipinost ng kilalang talent manager ang larawan nina Paolo at LJ na may caption na, “Sana ito na ang last post ko kay Paolo Contis at LJ Reyes. Siguro naman, matured na sila at pareho ng may natutuhan sa kanilang relasyon, Anim na taon, six long years ang pinagsamahan nila, meron silang anak, at pareho silang may ‘past’ kaya mas alam nila dapat ang pinasok nilang relasyon.

“Si Paolo Contis, may dalawang anak kay Lian Paz, kasal sila. Naging maganda ang kapalaran ni Lian, nakapag-asawa siya ng binata at maayos ang buhay, kaya tahimik siya kasama ang mga anak kay Paolo sa bayan ng bago niyang asawa.

“Nakatagpo si Lian Paz ng second happiness, na siguro akala ni Paolo magiging kapalaran niya rin. Nagtagpo sila ni LJ Reyes na may anak kay Paulo Avelino. Naghiwalay sila (LJ) ni Paulo Avelino.

“So sila ni Paolo Contis parehong may nakaraan, parehong galing sa broken relationship. Nagtataka ako bakit very violent ang reaction kay Paolo Contis?

“Ano ang kaibahan ng paghihiwalay nila ni LJ at Paulo Avelino? Pareho siyang nagkaruon ng anak dito. Anim na taon naging magkasama sila, hindi ito isang quickie affair, kaya paano mo masasabing right from the start masama na ang intention ni Paolo Contis?

“Hindi ko pinapanigan si Paolo Contis. Hindi ko kinukunsinti. Buhay nila ni LJ iyan, actually mas naawa ako kay LJ dahil second time na siyang maiwan ng meron anak.

“Ang hirap maging solo parent, ang hirap ng magkaruon ng ganitong experience lalo na sa babae, lalo na may dalawa kang anak sa magkaibang ama. Bata pa si LJ kaya mas dapat na siya ang bigyan ng lakas ng loob.

“Mas dasal ko na makakita din siya ng isang katulad ng natagpuan ni Lian Paz, isang lalaki na mamahalin siya at kaya siyang suportahan sa buhay. Dalawang anak ang palalakihin niya, at sana huwag ng magkamali pa sa pagpili ng next na mamahalin.

Sa dulo ng post ni Manay Lolit ay inamin niyang pinapangaralan niya ang alagang si Paolo at naniniwala siyang dadalhin nito kung anuman ang nagawa nitong kamalian sa buhay niya at bilang manager ay obligasyon niyang ipagtanggol ito.

Sa pagpapatuloy ng manager ng aktor, “Si Paolo Contis, habang buhay niyang dadalhin kung anuman ang pagkakasala na nagawa niya sa buhay. Kahit ano pa ang pangaral na gawin ko, si Paolo Contis parin ang may choice sa kanyang desisyon.

“Saka manager ako ng mga alaga ko, dapat talaga na ipagtanggol ko sila. Pag mali sila, sure ako pagbabayaran nila iyan sa buhay. Iyon na lang ang hintayin natin, huwag na tayo pa stress sa hindi natin problema. Iyon problema ng iba, hayaan na natin sa kanila. Smile na lang tayo. Fighting!”

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nagbibigay ng panig niya si Paolo at base sa sagot nito kay Ogie Diaz nang hingan ng reaksyon sa kumalat na video ng aktor kasama umano si Yen Santos ay hinihintay nito ang sagot ng GMA management bilang talent nila.

Maging si Yen ay wala pa ring pahayag tungkol sa isyung siya umano ang dahilan ng hiwalayang LJ at Paolo. Bukas pa rin ang BANDERA sa magiging pahayag nina Paolo at Yen.

Read more...