Cristy Fermin kinumpirmang sina Paolo at Yen nga ang nasa viral video na nakunan sa Baguio

Yen Santos at Paolo Contis

SINA Paolo Contis at Yen Santos nga ang nasa viral video na naglalakad patungo sa Manaoag Church pati na ang nasa larawang nakita sa isang kainan sa Baguio City.

Sa radio program nina Nay Cristy Fermin (at Rommel Chika) na “Cristy Ferminute” sa Radyo Singko 92.3 News FM ay kinumpirma niyang totoong sina Paolo at Yen ang nakunan sa video at litrato.

Ayon sa radio host at batikang manunulat ay may source siyang nagpatunay na sina Paolo at Yen nga ang mga ito pero nangyari raw ito ay matagal nang hiwalay ang aktor kay LJ Reyes, ina ng anak niyang dalawang taong gulang na si Summer.

Base sa kuwento ni Nay Cristy, “Kumpirmado po ‘yung lumabas na larawan nina Yen at ni Paolo na nagsimba po sa Manaoag, sila po talaga ‘yun.  Sila talaga ‘yun kahit ‘yung kumakain na magkatabi sa isang restaurant, sila po talaga ‘yun.

“Hindi na po kailangang mag-away-away pa ang mga Marites (tsismosa), hindi na kayo dapat mag-away-away na dinetalye n’yo pati sandals ni Yen pati ‘yung kanyang alak-alakan, ‘yung kanyang katawan, kanyang itsura ‘wag nap o dahil totoo po na sila ‘yun!

“Nagkayayaan lang daw si Paolo at si Yen na magsimba sa Manaoag (Pangasinan) at siyempre pagkasimba kakain. Pero ng maganap po ‘yan matagal na pong hiwalay si Paolo at si LJ, ‘yun naman ang malinaw diyan.

“Kumbaga hindi na po siya (Yen) naging thirdwheel, hindi po siya ikatlong bahagi o third party kasi hindi po niya pinasok ‘yung relasyon nina Paolo at LJ.

“Nasa labas na po si Paolo nang sila ay magtambal sa pelikulang ‘A Faraway Land.’ Nasa labas na rin po ng relasyon si Paolo nang pumunta sila sa Manaoag para magdasal at kumain sa labas,” sabi pa ng radio host at showbiz columnist.

Ilang araw nang hinihintay ng madlang pipol ang panig nina Paolo at Yen pero nananatiling tikom ang bibig ng dalawa.

Base pa sa kuwento ni Nay Cristy ay matagal na niyang kilala ang aktres at sa rami ng isyung kinasangkutan nito o ibinato sa kanya ay ni minsan ay hindi siya sumagot, wala siyang pinatulan kaya kusang namamatay ang mga balita.

“Mula nang mag-artista si Yen Santos hindi ko pa siya nakitang sumagot sa mga isyung ibinabato sa kanya. I-blind item mo siya, pangalanan mo siya, pitikin mo nang todo-todo hindi siya nagsasalita, hindi talaga madaldal ‘tong batang to.

“Hindi siya palasawsaw, hindi siya pala-patola. Kahit maraming patola sa amin sa Nueva Ecija hindi siya palakain (pumapatol sa isyu) ng patola since taga-Cabanatuan siya.

“Ang ibig kong sabihin, nagawang pribado ni Yen Santos ang kanyang personal na buhay. Ang magtatakda po kasi ng kapribaduhan at pagiging pampubliko ay ‘yung artista mismo.

“Kung ikaw ay post ka nang post ng kung anu-ano tungkol sa buhay mo, tungkol sa kalihim-lihimang piyesa ng buhay mo pagpipiyestahan ka!

“Pero kung ikaw, wala kang binibitiwang anuman bagay sa pagpo-post mo, hindi ka patola at hindi ka talaga palasagot at palasawsaw, mananatiling pribado ang buhay,” paglalarawan ni Nay Cristy sa aktres.

Samantala, inamin din niya na tatlong beses niyang pinanood ang pelikulang “A Faraway Land” nina Paolo at Yen na kasalukuyang palabas sa Netflix dahil gandang-ganda siya sa kuwento, sa pagkakadirek ni Veronica Velasco at sa napakagandang lugar ng Faroe Islands, Kingdom of Denmark.

Read more...