IPINAGDIWANG ni Alexandra Faith Garcia ang kanyang ika-28 kaarawan noong Set. 5, at hangad niyang maiuwi ang unang korona para sa Pilipinas sa Miss Aura International.
Si Garcia ang magiging unang kinatawan ng Pilipinas sa pandaigdigang patimpalak, na magdaraos ng ika-16 nitong edisyon sa Oktubre sa Turkey.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Garcia na, “As I receive the honor of becoming the first Miss Aura Philippines, I know that the title comes with great responsibility.”
Pagpapatuloy pa niya, “I will do my best to raise our flag in the Miss Aura International 2021 pageant.”
Ang Filipino-American designer na si Kathleen Katniss Griffiths mula California, ang national franchise holder para sa patimpalak, ang pumili sa triathlete, entrepreneur, agriculture advocate, at beterana ng pageants mula Olongapo City para sa Miss Aura International.
Makikipagtagisan si Garcia sa 29 iba pang kinatawan ng iba’t ibang bansa. Kokoronahan ni Andreia Correia ng Portugal ang bagong reyna sa Rixos Sungate Resorts sa Antalya, isang resort city sa Turkey, sa Okt. 5.