Eric Fructuoso at Mark Herras
SA kapital na P5,000 ay nakapagpatayo na ng ilang negosyo ang aktor na si Eric Fructuoso.
Sinimulan niya ito sa pagbebenta ng cap merchandise na may nakalagay na “Gwapings Moto” na marami raw bumili na mga natulungan niya noon.
“Marami naman tayong napakisamahan ng mga tao lalo na nu’ng sinuportahan natin noong pandemic, lumago naman ng isa o dalawang buwan, naging six-figures (hundred thousand).
“Sinunod ko na ‘yung shirt, sinunod ko na ‘yung hoodies hanggang sa nagkapagpuhunan na, nakapagpatayo ako ng shop ng motor. Nu’ng natayo na ‘yun, maganda ang kita, maganda lahat doon ko naisip na ‘yung gusto kong kainan, food business kailangan matuloy na ‘to.
“E, wala akong alam paano mag- start kasi ang alam ko lang kumain. Thankful ako sa pamangkin ko si Abby, ‘Tito tirahin na natin ‘yan. 10 years na ‘yung ideya mo sa pagkain na ‘yan, kailangan na nating gawin ‘yan.’
“Sabi ko, ‘gusto ko nang gawin kasi now is the right time.’ Kaya sinimulan ko na ‘yung Gwapigs porkchop nu’ng January (2021), eight months palang pala, gumanda.
“Tapos kada kumikita ako sa negosyo hindi ako bumibili ng gusto ko. Nire-invest ko, pinapagulong ko nang pinapagulong, nagtayo ako ng motor shop ulit sa Las Piñas, tuloy pa rin ang Gwapigs porkchop.
“Tapos may nakita kaming opportunity na something with motorsiklo rin pero mabigat na ang puhunan, hindi ko muna pagsasabi pero factory na, tuloy-tuloy labas ng labas ng (pera),” mahabang kuwento ng dating miyembro ng Gwapings kay Ogie Diaz para sa YouTube channel nito.
Lima lahat ang anak ni Eric, ang panganay niyang lalaki (na malapit nang ikasal) ay sa ex-girlfriend niya at apat sa dati niyang asawa na aminadong lagi silang may alitan dahil hindi siya makapag-provide ng pang-tuition ng mga anak dahil walang-wala siya lalo na nu’ng nagsara ang ABS-CBN at naipit daw ang suweldo niya para sa huling project niyang “Kadenang Ginto.”
Hindi naging madali ang buhay ni Eric dahil nu’ng panahong wala siyang trabaho dahil sa pandemya ay inaming nakikikain siya kina Mark Herras kaya abut-abot ang pasasalamat niya sa buong pamilya ng aktor.
Hindi niya binanggit kung sinong taga-showbiz ang nagbigay sa kanya ng P20,000 bilang tulong dahil nabalitaan nitong walang-wala at nagtatraysikel na lang siya dahil sa kanyang viral photos.
Tinanggihan daw ni Eric ang tulong pero nu’ng mag-text ay pinakukuha na ito sa isang remittance company kaya wala na siyang magawa kundi magpasalamat.
“Ginawa ko, ‘yung 10,000 ibinigay ko sa nanay ng mga anak ko, sabi ko ito muna ang kaya kong ibigay, hintayin mo muna akong makabawi. Tapos ‘yung P5,000 ibinigay ko sa nanay ko kasi nakikitira nga ako sa kanya sa Cavite, kaya inabot ko sabi ko pasensya na muna. Tapos ‘yung natirang P5,000, ‘yun nga ‘yung sinimulan ko, pinalago ko,” kuwento ng aktor.
At dahil nakaipon na sa mga negosyong itinayo ay naikuwento ni Eric na siya na ang nagbabayad ng tuition fee ng apat niyang anak sa kanyang ex-wife.
“Alam mo ‘yung hindi ako makapag-provide sa tuition, di ba (naging emosyonal at napamura pa), sa pag-aaral, kinash ko lahat,” umiiyak na sabi ni Eric.
Pagpapatuloy pa niya, “Yung feeling dati na wala ka, tapos ngayon maglalabas ka ng pera ang sarap lang ng feeling. Lahat ng ginagawa mo para sa anak mo, hindi ‘yun para sa ‘yo.
“Kasi ako nagkaroon na ako, na-experience ko na lahat ng magagandang sasakyan, napuntahan ko na ‘yung mga lugar na gusto ko at nalaman ko na hindi ko pala kailangan ‘yun, that’s not make me happy.
“Kaya naisip ko kapag ako nawala, ‘yung mga anak ko hindi ko ii-spoil, paghihirapan nila at ‘yung mga in-establish kong negosyo sana maaral din nila at magtrabaho sila ro’n para matutunan din nila.
“Lahat ng pakikisama ko sa tao, lahat ng itinatanim ko sa tao na mabuti, ang gusto kong umani ‘yung mga anak ko. Di baleng wala na ako, sila na lang,” aniya pa.
Sa kasalukuyan ay hindi kayang balikan ni Eric ang dating asawa para sana maging kumpleto ang pamilya nila dahil, “Hindi ko kayang bumalik kasi natatakot ako. Takot na ako sa commitment talaga.”
Pero siniguro naman niya na ayaw na niya ng bagong karelasyon dahil gagastusan na naman niya ito, “E, mas may karapatan sigurong gastusan ang nanay ng mga anak ko o ang mga anak ko, pero hindi ko na talaga kayang bumalik.”