NILINAW ng mga kapatid ni Mahal na walang katotohanan ang mga kumakalat na balitang sinisisi nila sina Mygz Molino at ang manager nito sa pagkawala ng kanilang ate.
Ayon kay Lani Tesorero, matagal na raw nitong kilala ang talent manager na si Jethro kaya tiwala ang pamilya sa kaniya.
Ayon naman kay Jason Tesorero, wala silang sinisisi sa mga nangyari.
“Wala naman kaming sinisisi o sinumang sinisisi sa nangyari. Ito ay kaloob sa atin ng Panginoon. Kung nangyari man ‘yun ay napaaga lamang. Kung may sinasabi sila na sinisisi namin si ganito, si ganyan, wala po kaming sinisisi kasi although masakit sa aming pamilya na nangyari ‘yun kay Mahal, tanggap naman po namin ‘yun.
“Kung sinasabi ng mga fans na sinisisi namin si Mygz ay hindi. Nagpapasalamat pa nga kami sa kanila kasi hanggang sa huling hininga ni Mahal ay hindi sila tigil at wala silang sawa na maghanap ng paraan paano maisasalba ‘yung buhay ni Mahal,” sagot nito.
Nasaksihan rin daw nila kung gaano alagaan ni Mygz at ng pamilya nito ang kanilang kapatid hanggang sa huling sandali ng komedyante.
Kuwento naman ni Lani, noong mismong araw rin ng pagkamatay ni Mahal niya nalaman ang balita ukol sa kondisyon nito. Madalas raw kasing nagkakasakit si Mahal ng tipikal na sipon noon kaya raw siguro hindi agad sinabihan ang pamilya ukol sa kaniyang lagay. Siguro’y inakala nila natulad lang ito ng tipikal na pagkakasakit ni Mahal at gagaling rin makalipas ang ilang araw na pagpapahinga.
“Halos magwala ako sa sasakyan kasi nasa sasakyan ako nung malaman ko na wala na si Ate Mahal. Ang akala ko maaabutan kopa namin siya, wala eh,” saad ni Lani.
Plano raw nilang dalhin sa Maynila ang namayapang aktres at komedyante dahil kapos sa mga kagamitan ang ospital na naunang pinagdalhan kay Mahal.
Ang plano ay hihintayin lang na maging stable ang oxigen level ni Mahal para ligtas itong maibyahe pa-Maynila ngunit hindi na kinaya ng kaniyang katawan.
Mahirap man ang nangyayari ay walang ibang magawa ang pamilya kung hindi tanggapin ang nangyari.
“Tanggap namin kaso mahirap nga lang talaga sa part talaga namin na nangyari ‘yun. Kasi dalawa sa amin [ang namatay].Sa isang buwan, dalawa po. Mahirap po talaga.”
Matatandaang namatay ang kanilang ama nito noong Agosto 5 sa edad na 74.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang magkapatid kay Mygz at sa pamilya nito sa pag-aalaga at pagtanggap sa kanilang kapatid noong nabubuhay pa ito hanggang sa huling mga oras ng komedyante.
“Thank you sa pag-aalaga sa kapatid ko saka sa mga time na buhay pa siya. Masayang-masaya siya na nasa inyo tsaka maraming salamat rin sa pag-iintindi mo sa kanya. Minsan kasi pasaway rin kasi ‘yun. Maraming maraming salamat talaga. Sa huling buhay niya, inalagaan mo, hindi mo iniwan ang kapatid ko,” saad ni Lani.
Kasalukuyang naka-quarantine ngayon si Mygz at naka-schedule na magkaroon ng RT-PCR swab testing para masiguro na negatibo ito sa COVID-19.
Sa ngayon ay open for public viewing para sa mga nagnanais bumisita kay Mahal sa Cosmopolitan-SF Memorial Chapels ng Shrine of the Santuario De San Vicente de Paul na matatagpuan sa Tandang Sora, Quezon City hanggang Setyembre 5.