Paolo,Yen magkasama raw sa Baguio, ebidensiya ng netizen kalat na sa socmed

SA panayam ni LJ Reyes kay Boy Abunda para kumpirmahin kung hiwalay na sila ni Paolo Contis na ama ng anak niyang si Summer ay inamin niyang may mga pruweba siya sa mga ginagawa ng aktor.

Hindi diretsahang sinabi ng aktres kung anong klaseng pruweba ito na magpapatunay na totoo dahil ang source niya ay hindi ibang tao sa kanya.

Sa tanong kung may 3rd party sa hiwalayan nila ni Paolo, “I think po, maraming makakasagot niyan kahit hindi po ako sumagot.”

Kasunod nga ng naging pahayag ng aktres, ay ang paglabas ng isang video sa social media na may mahigit 6,000 shares na ngayon kung saan makikita si Paolo na may kasamang babae. At base sa komento ng mga nakakita rito, baka raw si Yen Santos ang girl?

Naglalakad ang dalawa sa isang kalye habang nakahawak ang babae sa braso ng aktor. Hindi makikita ang mukha ng girl dahil medyo nakatalikod ito sa camera.

Pero ito siguro ‘yung ikinatwiran ni Paolo kay LJ na paano siya makikilala, e, may suot siyang face mask at face shield.

Pareho silang naka-white shorts at nakasuot na face shield at face mask at iisa ang komento ng netizens, “Hindi kayo ligtas sa face mask at face shield sa mga mosang cctv.”

Sina Paolo at Yen ay magkasama sa pelikulang “A Faraway Land” na kinunan sa Denmark noong 2020 sa direksyon ni Veronica Velasco.

Samantala, may iba pang larawang lumabas si Paolo kasama ang nasabing babae habang nasa isang coffee shop sa Baguio bago pa kumalat ang video na papunta sila sa Manaoag church.

Ayon sa reaksyon ng netizens pwedeng dumaan muna sila sa simbahan bago umakyat o bumaba ng Baguio.

Anyway, mukhang may mga ibang video pang ipinadala kay LJ ng kanyang source kaya nagdesisyon na rin siyang humiwalay kay Paolo para na rin sa ikatatamihik nilang mag-iina.

Bukas ang BANDERA sa panig nina Paolo at Yen para sa ikaliliwanag ng isyung ito.

Read more...