Rhen Escano at Jao Mapa
PINANOOD talaga ng sexy actress na si Rhen Escano ang mga dating pelikula ni Jao Mapa bago sila magsimulang mag-shooting para sa pelikulang “Paraluman.”
Inamin ng Viva artist na hindi pa niya masyadong kilala si Jao na sumikat nang husto noong dekada 90 kaya naman talagang na-excite siya nang malamang magiging leading man niya ito sa pelikulang “Paraluman”.
“Kilala ko po siya. Nun’g sinabi po sa akin na siya po ‘yung magiging partner ko, kilala ko po talaga siya. Pero aminado po ako na hindi po ako ganu’n ka-aware sa mga nagawa ni Jao before, hindi ko rin masyadong napanood,” pahayag ni Rhen sa nakaraang virtual mediacon ng “Paraluman.”
Ani Rhen, super watch siya ng mga past movies ng aktor na available sa internet kaya napatunayan niya kung gaano rin ito kagaling bilang aktor.
Sabi pa ng aktres, sobrang happy din siya dahil natupad din ang pangarap niya na makatrabaho si Direk Yam Laranas na naging very supportive sa lahat ng sensitibong eksena nila ni Jao sa movie.
“Siyempre noong binasa ko po ‘yung script, aware po akong may mga gagawin kaming sensitive scenes so, ayon po talaga ‘yung pinag-usapan namin ni Direk Yam. Importante po kasi na ma-pull off yung mga sensitive na eksena,” ani Rhen.
“Happy po ako and maswerte po ako na si Direk Yam po talaga ang gumawa no’n na sobrang bilis. One take lang po talaga ‘yung mga love scenes na mapapanood niyo so ‘yun talaga ang dapat abangan kung paano naming nagawa na one take lang,” dagdag pa ng dalaga.
“Hindi naman po nawawala’ yung kaba lagi ‘pag may mga gano’ng eksena pero I really have to trust my director, my co-actor na nandon ‘yon no’ng ginawa namin kaya hindi ko po masasabi na nahirapan ako kasi smooth po namin siya na nagawa knowing na si Jao, first time ko po kasing gumawa ng love scene na hindi ko masyadong ka-age bracket pero hindi po talaga, hindi ko po naramdaman ‘yon.
“Makikita niyo naman po sa mismong love scene kung may ilang factor ba. Thankful po ako na si mismong Direk Yam ang kumuha ng eksenang yon so na pull out namin sa mismong pelikula,” lahad pa ni Rhen Escano na unang nakilala sa mapangahas na LGBTQ movie na “Adan.”
Ang “Paraluman” ay kuwento ni Peter (Jao) na kalive-in ng barangay worker na si Giselle (Gwen Garci). Makikilala nila si Mia (Rhen), ang nakababatang kapatid ng kanilang kaibigan na galing sa probinsya.
Hindi magtatagal ay mahuhulog ang loob ni Mia kay Peter na di hamak na napakalaki ng tanda sa kanya, at nakatakda na rin silang ikasal ni Giselle. Kailangang mamili ni Peter kung sino ang mananaig sa kanyang puso.
Si Mia ba na halos 20 taon ang tanda niya at kadarating lang sa buhay niya, o si Giselle na matagal na niyang kasama at walang ibang gusto kung hindi makasama siya habang buhay?
Mas kilala si Direk Yam sa kanyang mga award-winning thrillers at horror films gaya ng “Sigaw”, “Aurora” at “Death of a Girlfriend”. Ngunit sa “Paraluman” ay sasabak naman siya sa romance genre na matagal na niyang hindi nagagawa. Ang huling nagawang romance movie ni Direk Yam ay ang 2002 blockbuster hit na “Ikaw Lamang Hanggang Ngayon” na pinagbidahan ni Regine Velasquez at Richard Gomez.
Ang theme song ng pelikula na pinamagatang “Paraluman” ay mula kay Adie, isang young artist na umawit ng nakakaantig na kantang “Luha.”
Mapapanood na simula sa Sept. 24 ang “Paraluman” sa Vivamax streaming app.