2 Fil-Am huli sa gun smuggling

LOS ANGELES, CALIFORNIA, US — Dinakip ng mga otoridad sa US katulong ang mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas ang magkapatid na Filipino-American dahil sa pag-smuggle ng mga armas mula sa US patungong Pilipinas.

Pinaghahanap naman sa Pilipinas ang isa pa nilang kapatid dahil sa kasong paglabag sa Arms Export Control Act at pagbebenta ng di-lisensyadong baril.

Dinakip sa New York si Rex Maralit, 44, isang operatiba ng New York Police Department habang nasakote ang utol niyang si Wilfredo, 48, isang Customs and Border Protection officer na nakatalaga sa Los Angeles International Airport sa California.

Si Wilfredo ay mula sa Garden Grove sa Orange County habang si Rex ay mula sa Lawrenceville, New Jersey. Sa pagitan ng Enero 2009 at Marso 2013, nagtulung-tulong ang mag-utol kasama ang isa pa nilang kapatid na si Ariel Maralit, 43, sa pagpapalusot ng mga high-powered assault rifles, sniper rifles, pistols at firearm accessories mula US patungong Pilipinas, ayon sa reklamo na isa sa mga kopya ay ipinadala sa Philippine Daily Inquirer ng US Attorney’s Office.

Base sa reklamo, si Ariel ang naghahanap ng bibili ng baril at bala sa Plipinas habang ang kanyang mga kapatid sa US ang bibili ng mga ito gamit ang kanilang law enforcement credentials para makakuha ng diskwento.

Kinakalas muna ang mga armas bago ipadala sa Pilipinas sa pamamagitan ng Balikbayan box. Ilan sa mga kahon ay may label pang “televisions” o “industrial sliding door track,” ayon sa reklamo.

Wala sa tatlong magkakapatid ang kumuha ng export licenses o federal firearms licenses. “Rather than upholding the law as they were sworn to do, these defendants made international gun running a family business,” ayon sa US Attorney sa kalatas.

“The brothers used their knowledge of firearms and their status as law enforcement officers to engage in an illegal international arms trafficking business.”

Nagpapadala rin ng mga larawan sa isa’t isa ang magkakapatid habang may hawak na armas. Ilan sa kopya ay pinadala rin sa PDI.

Isa sa mga na-smuggle na baril, ang Barrett M82A1 .50 caliber semi-automatic rifle ay “capable of penetrating body armor, exterior walls of buildings, and even aircraft.”

Isa pa, ang FN Herstal 5.7mm semi-automatic pistol, ay inilarawan bilang isang “high-capacity, battlefield weapon capable of firing a projectile that can penetrate body armor.”

Kung mapatutunayang nagkasala, nahaharap sa limang taon na kulong ang mag-utol at multa na $250,000. Ipinagbabawal sa ilalim ng Arms Export Control Act ang direktang pagbebenta ng mga Amerikano ng armas mga international buyers nang walang permiso at dokumentasyon mula sa State Department.

Hiniling ng mga government prosecutors sa korte sa Santa Ana, California, na huwag payagang makapagpiyansa si Wilfredo subalit binigyan ni US Magistrate Judge Arthur Nakazato ang akusado ng hanggang Set. 19 upang makapaglagak ng $300,000 na piyansa.

Makaraang makapaglagak ng bail, palalayain si Wilfredo subalit kailangan siyang humarap sa federal court sa Brooklyn, New York sa Setyembre 23.

Read more...