Luis: Alam kong mababaliw ako pag naging daddy ako pero mas mababaliw ang mommy ko!

Jessy Mendiola, Vilma Santos at Luis Manzano

HANDANG-HANDA nang maging tatay ang TV host-comedian na si Luis Manzano sa mga magiging anak nila ng asawang si Jessy Mendiola.

Naniniwala ang misis ni Luis na magiging mabuti, mapagmahal at responsable siyang ama sa kanilang mga future babies.

Diretsahang tinanong ni Luis si Jessy sa bago niyang YouTube vlog na may titulong “Questions I’ve never asked my wifey” kung magiging mabuti kaya siyang ama? 

“Do you think I’ll be a good dad?” tanong ng TV host na agad namang sinagot ni Jessy ng, “Oh yes. Si pillow pa lang grabe mo alagaan, ‘yung baby pa kaya natin.”

Ang “pillow” na tinutukoy ng aktres ay ang paboritong unan ng kanyang mister na ginagamit niya noon pang three years old ito. Dagdag pa ni Jessy, “Tsaka alam kong ready ka na.”

Tumangu-tango naman si Luis at sinabing siguradong mamamana niya ang pagiging mabuting ama ng tatay niyang si Edu Manzano pati na ng stepdad niyang si Sen. Ralph Recto.

“Oo, feeling ko siyempre kahit paano. Sinasabi naman talaga nila ‘di ba, you can teach someone about the world pero the best way to learn talaga is through actually observing someone, firsthand experience. 

“At nakita ko ‘yun kay Daddy, kay Tito Ralph, kung paano sila naging erpat sa akin. Kung si Tito Ralph, paano naging erpat kay Ryan (kapatid niya sa ina). 

“‘Yun ‘yung kumbaga bumuo sa pagkatao ko sa darating na point ng buhay ko ng pagiging isang ama. I learned and observed from the best,” ani Luis.

Sabi naman ni Jessy, matagal nang ready na magkaanak si Luis dahil kahit noong hindi pa sila kasal ay palagi nang nababanggit sa kanya ng asawa na talagang pinapangarap na nitong maging daddy.

Sey naman ni Luis, “Ako siguro, alam ko nang mababaliw ako kapag naging daddy na ako.

“Pero kung may mas mababaliw, ‘yan ang mommy ko. Dyusko, sigurado, spoiled na spoiled ‘yung baby natin,” sabi pa ni Luis kay Jessy.

Kung matatandaan, ikinasal sina Jessy at Luis, 40 nitong February, 2021 sa isang intimate garden ceremony sa Batangas. 

Read more...