Jao Mapa at Rhen Escano
MAGKAIBANG level ang naranasang love scenes ni Jao Mapa noong panahon ng “Matrikula” nila ni Rosanna Roces at sa pelikula niya ngayong “Paraluman” kasama si Rhen Escano.
Sa movie kasi nila ni Osang ilang taon na ang nakararaan ay siya ang tinuruan pero sa “Paraluman” ay siya naman ang nagturo.
“They totally have different strengths pero love working with both actors,” ang sagot ng aktor nang tanungun namin kung sino ang mas matinding ka-love scene sa dalawang aktres.
Hindi naman itinanggi ni Jao na talagang may awkward moments sa mga sexy scenes nila ni Rhen pero bilib siya sa pagiging propesyonal ng dalaga.
At napansin din daw ni Direk Yam Laranas na nailang ang bida niyang aktor nang masilip niya ito sa kamera.
“Bagay nga ‘yung awkwardness to me kasi bagay ‘yun sa karakter ni Peter (Jao), bagay na bagay sa kanya because sa role nga ni Jao dito hindi naman siya ‘yung manyakis na hunting for younger girls or younger women.
“Pero nu’ng nalaman ko nga na si Jao ang magiging partner ni Rhen, I have to re-write his dialogue, his character para bumagay sa personality niya (kasi) I don’t know him well at that time alam ko ‘yung kanyang skills, I know he’s good at bumagay do’n.
“In fact pinababayaan ko si Jao on set because I know feeling awkward siya at mas gusto ko ‘yun, mas bagay na bagay siya sa role,” kuwento ng direktor.
Nakilala si direk Yam sa suspense-thriller movies kaya natanong siya kung bakit biglang nabago na ang genre niya sa pelikulang sinusulat niya ngayon tulad ng “Death of a Girlfriend” na love story din habang ang “Paraluman” ay sex-love story.
“Masarap gumawa ng iba-iba. I like to do different genre actually, ang gusto kong gawin ngayon is mag-mix ng genre na naumpisahan ko sa Death of A Girlfriend, it’s a love story but tragic ayaw kong ibigay ang kuwento baka may gusto pang manood diyan,” biro ni direk Yam.
Sa pagpapatuloy niya, “Hindi naman tragic itong Paraluman but it’s a sexy love story. So ‘yun ‘yung path na gusto kong gawin at ma-achieve sa movie na ito.
“First of all, it’s a relationship between an older guy and a younger woman. Again, I always say, ano ba ang mangyayari from a relationship that started as a sexual relationship?”
“At sa pag-iibigan ng dalawang taong malayo ang agwat ng edad ay hindi dapat i-judge dahil kung anuman ang nararamdaman sa isa’t isa ay dapat igalang hangga’t wala namang natatapakan,” sabi ng direktor.
Abangan ang “Paraluman” produced ng Viva Films sa Set. 24 sa Vivamax. Ang theme song nito ay kinanta ni Adie na may titulong “Luha.”
* * *
Tuwang-tuwa ang mga manonood sa tarayan at gantihan nina Erich Gonzales, Janice De Belen, Agot Isidro, at Raymond Bagatsing sa “La Vida Lena” kaya dalawang linggo na itong numero unong show sa iWantTFC.
Tamang-tama na magsisimula na rin ang bagong yugto ng “La Vida Lena” at tiyak na kakapitan ng mga manonood ang pang-aakit ni Lena (Erich) kay Adrian (JC De Vera) at ang unti-unti niyang paniningil ng karma sa mga kaaway niya, ang makapangyarihang pamilya Narciso.
Pakakawalan na ni Lena ang bagsik ng kanyang galit sa ikalawang season dahil iisa-isahin niyang pababagsakin ang mga galamay ni Lucas (Raymond).
Una, aakitin ni Lena si Miguel (Kit Thompson) para masira ang relasyon nito sa asawang si Rachel (Sofia Andres). Wawasakin din ni Lena ang relasyon nina Lucas at Vanessa dahil ipagkakalat niyang hindi si Lucas ang ama ni Adrian, kundi ang matagal na nilang kaibigang si Conrad (Christian Vasquez).
Patuloy namang magkukunwari si Lena na dala-dala niya ang anak ni Adrian, kaya patuloy rin niyang mabibilog ang utak nito at mapapasunod sa mga gusto niya.
Pagkatapos namang ilabas ang trailer para sa bagong season, usap-usapan na ng fans ang mga nakaka-excite na twist sa kwento, partikular na ang posibilidad na ama ni Lena si Lucas.
Subaybayan ang paghihiganti ni Lena sa “La Vida Lena” gabi-gabi, 10 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z at TV5.