LJ Reyes sa paghihiwalay nila ni Paolo Contis: Napakahirap, napakasakit…

LJ Reyes at Paolo Contis

“IT was so difficult, it was so painful!” Ganito inilarawan ng aktres at TV host na si LJ Reyes tungkol sa paghihiwalay nila ni Paolo Contis.

“Kung hindi malakas ang pananampalataya ko sa Panginoon hindi ko alam kung saan ako pupulutin,” ang umiiyak pang sagot ng aktres kay Boy Abunda sa tanong kung mutual ba ang hiwalayan nila ng kanyang long time partner.

Teaser pa lang ng nasabing panayam ng King of Talk na mapapanood ngayong 6 p.m. sa YouTube na The Boy Abunda Talk Channel ay umabot na sa mahigit 757k ang views nito (as of this writing).

Nabanggit pa ni LJ na matagal na niyang nararamdamang “hiwalay” na sila ng ama ng ikalawa niyang anak na si Summer dahil sa mga ikinikilos ng aktor.

“Tito Boy kasi parang matagal ko nang nararamdaman na nakahiwalay na siya sa amin,” ani LJ.

Matatandaang unang lumabas dito sa BANDERA noong Agosto 19 ang tungkol sa break-up ng dalawang Kapuso stars na may titulong “OMG, Hiwalay na nga ba sina Paolo Contis at LJ Reyes?”

Pinadalhan din namin ng mensahe ng mga sandaling iyon ang aktres para kumpirmahin ang balita pero hindi kami sinagot.

Nagsimula kasi ang tsikang hiwalay na sila nu’ng i-unfollow ni Paolo si LJ sa Instagram account niya sabay bura ng mga larawang magkakasama sila ng aktres at ang itinira ay larawan nila ni Summer.

Nananatili namang naka-follow ang aktres sa IG ng aktor.

Maraming haka-haka na may third party sa hiwalayan ng celebrity couple at ang itinuturong dahilan ay si Yen Santos na katambal ng aktor sa pelikulang “A Faraway Land” handog ng MAVX production na kinunan sa Denmark at idinirek ni Veronica Velasco na kasalukuyang palabas sa Netflix.

Pero may nagtatanggol naman kay Yen na imposibleng siya ang third party dahil may kasalukuyan siyang karelasyon ngayon.

Anyway, magkakaalaman na mamayang 6 p.m. kung ano ang tunay na dahilan ng paghihiwalay nina LJ at Paolo.

Read more...