Maymay Entrata
MULING bibida ang Kapamilya actress-singer na si Maymay Entrata sa second season ng digital anthology series na “Click, Like, Share”.
Siya ang tampok sa episode na “Lurker” kung saan gaganap siya bilang isang waitress na ipapahiya ng isang social media influencer.
“Itong episode ko na ito ay kakaiba doon sa ibang mga episode. Halos lahat yata ng episode nila ay parang dark ang approach. Pero ‘yung sa akin gusto yatang huminga.
“Yung approach niya sa mga tao ay mag-e-enjoy dapat sila at masaya pa rin. Sinisiguro ko na mag-e-enjoy sila sa episode na ‘yon lalo na roon sa character ko,” kuwento ng dalaga sa ginanap na virtual mediacon ng “Click, Like, Share”.
Dito inamin niyang medyo natakot siya sa direktor ng kanilang episode na si Manny Palo, “First time ko rin makatrabaho si Direk Manny. Inaamin ko natatakot ako, kasi ang dami kong naririnig about sa kanya na very strict siya na direktor, konting pagkakamali mo lang patay ka talaga. Sabi ko ‘naku Lord, ikaw na bahala.’
“Pero sa experience ko kay Direk Manny, ang kailangan mo lang talaga ay makinig sa kanya. Sundin ang mga payo niya at ‘yung pagturo niya sa pagiging disiplinado mo bilang isang artista,” aniya pa.
Simula ngayong Sept. 3 ay magsisimula na ang ikalawang season ng “Clike, Like, Share” sa iWantTFC app tuwing Biyernes, 8 p.m.. Mapapanood din ito sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live at A2Z every Sunday at 8:30 p.m..
Bukod kay Maymay, bibida rin sa season 2 sina Tony Labrusca, Barbie Imperial, Jerome Ponce at Janella Salvador.
Samantala, natanong din si Maymay tungkol sa mga negative at positive effects sa kanya ng social media.
“Siguro alam ng karamihan na hindi ako masyadong ma-social media. Pero siguro ang positive doon ay lagi kong pinipili ang post ko kung saan ay nakakapagbigay ng positibo doon sa mga taong pumupunta sa social media ko,” paliwanag ng dalaga.
Patuloy pa niya, “Siguro hindi ko lang nagugustuhan ‘yung mga taong laging nakikita ang pagkakamali ng kung ano ang nakikita nila sa post.
“Kahit na ano’ng gawin mo na maging mabait o maging perpekto po doon sa pino-post mo ay lagi silang merong sasabihing mali,” hugot pa niya.
Kaya ang payo at paalala niya sa madlang pipol lalo na sa mga kabataang tulad niya, “Kailangan talaga natin ay tulungan ang isa’t isa. I-light up natin ang isa’t isa na maging positibo. Sana ay magamit nila sa tama ang social media.”