DAHIL patuloy pa ring umiiral ang COVID-19 pandemic, nagpasya ang Manila Broadcasting Corp. (MBC) na muling magdaos ng Aliwan Fiesta Digital Queen ngayong taon sa halip na ituloy ang taunang Reyna ng Aliwan competition na pansamantalang isinantabi noong 2020.
“We hoped we could go back to the usual this year, but COVID continues to impact our lives,” sinabi ni MBC President Ruperto Nicdao Jr. sa virtual launch ng 2021 Aliwan Fiesta Digital Queen noong Agosto 31.
Sinabi niyang nilunsad ang virtual contest noong isang taon “to keep the Aliwan Fiesta alive in a platform plausible for the candidates and for us.”
Sa taunang Reyna ng Aliwan competition, tinitipon ng MBC sa Maynila ang mga kinatawan para sa serye ng mga paligsahan na nagtatapos sa paghihirang sa bagong reyna.
Kabilang sa mga tumuntong sa entablado ng Reyna ng Aliwan sina 2018 Miss International first runner-up Ahtisa Manalo, 2014 Miss Earth Jamie Herrell, 2014 Miss Tourism International Angeli Dione Gomez, 2018 Miss Eco International Cynthia Thomalla, at 2018 Miss Asia Pacific International Sharifa Areef Mohammad Omar Akeel.
Hinirang namang Aliwan Fiesta Digital Queen noong isang taon si Jannarie Zarzoso, na kumukuha ng abogasya.
Nilinaw ni Nicdao na magkaiba man ang Reyna ng Aliwan at Aliwan Fiesta Digital Queen, kapwa nila itinataguyod ang kultura at ganda ng Pilipinas.
“The Philippines has the most beautiful women in the world. We showcase their beauty with the best sites we can offer the world,” aniya.
Labindalawang kinatawan ang magtatagisan para sa korona bilang 2021 Aliwan Fiesta Digital Queen, at sasabak sila sa iba’t ibang kumpetisyon na tatakbo nang limang linggo.
Ipakikita ng mga kandidata ang mga putahe, produkto, at pista ng kani-kanilang mga lugar sa “Pride of Place” segment sa Set. 11. Sa Set. 18 naman, ipamamalas nila ang kanilang angking husay sa “Talent and Skills” competition.
Sa Set. 25, ilalahad ng mga kinatawan ang kani-kanialng community projects, ang papel nila sa mga ito, at mithiin para sa hinaharap ng proyekto sa “Queens for a Cause” segment.
Magtatagisan naman sa evening gown competition ang mga kandidata at haharap sa tanong ng mga inampalan sa Okt. 2.
Hihirangin naman ang 2021 Aliwan Fiesta Digital Queen sa Okt. 9. Mag-uuwi siya ng P50,000, at may katumbas ding halaga para sa mapipili niyang charitable program sa kaniyang lungsod o bayan.
Mapapanood ang lahat ng yugto ng patimpalak sa Aliwan Fiesta Facebook page, at sa iba’t ibang digital platform ng MBC. Ilalabas ang mga ito tuwing Sabado, alas-7 ng gabi.
Mapapanood din ang coronation ceremonies sa DZRH TV.