Gloria Romero at Virgie Malay
MARAMING nagtatanong kung kumusta na at anu-ano ang pinagkakaabalahan ngayon ng veteran actress at movie queen na si Gloria Romero.
Matagal-tagal na rin kasing hindi napapanood sa telebisyon ang award-winning actress at kung hindi kami nagkakamali huli pa siyang nakita sa “Daig Kayo Ng Lola Ko” ilang taon na ang nakararaan.
Kaya naman tuwang-tuwa ang mga manonood nang mag-guest siya sa programang “Tunay na Buhay” ng GMA 7.
Sa isang bahagi ng show, muling nakaharap at nakausap ng 87-year-old actress virtually ang kanyang dating teacher na 100 years old na ngayon.
Nagkaroon ng pagkakataon na muling magkumustuhan sina Lola Virgie Benigno-Malay at Gloria Romero sa pamamagitan ng video call.
Ayon kay Lola Virgie, bukod kay Miss Gloria, nakausap din niya online ang iba pa niyang mga estudyante, “I was very happy to see them again. They’re older now, but they were very well dressed.”
Reaksyon naman ng beteranang aktres nang muling makita ang dati niyang guro, “Naku, ayan na ang hinihintay ko talaga… my teacher. It’s so nice to see my teacher. How are you, madam?”
Sagot naman ni Lola Virgie, “I’m so proud of you that you have become a model and actress. I’m so glad to see you again.”
“Thank you so much po, nakakaiyak naman na naalala niyo pa ako. Maraming salamat po, mahal na mahal ko kayo. Mahal na mahal ko kayo,” pahayag uli ng aktres.
Nagpalitan naman ng tips ang dalawa para sa isang healthy and happy life. Ani Gloria, “You have to sleep. I think number one ‘yan.
Chika naman ni Lola Virgie, ang kanyang no-pork diet at ilang exercise ang secret niya sa pagkakaroon ng mahabang buhay.
“Hindi ako kumakain ng pork. And walking, dito lang sa bahay. Kahit nakaupo lang ako, minsan tinataas ko ang paa ko. Pati sa bed, minsan tinataas ko pati arms ko,” sabi ng dating guro.
Samantala, nang mapag-usapan ang 60 years ng TV and movie icon sa mundo ng showbiz nabanggit nito ang ilang sikreto ng kanyang mahabang pananatili sa larangan ng pag-arte.
“Kailangan lagi ka magpasalamat sa Panginoon. Be good to everybody. Be humble, hindi puwedeng magmalaki ka sa mga tao.
“I love my job, I love it so much. Hindi ko inakala na darating ako sa mga ganito, so I’m happy,” kuwento pa ni Gloria Romero.