Manny Pacquiao
NAKABALIK na sa Pilipinas ang eight-division boxing champ na Sen. Manny Pacquiao matapos makipagbakbakan sa Cuban boxer na si Yordenis Ugas.
Hindi umubra ang liksi at bilis ng mga pamatay na suntok ni Pacman sa galing ni Ugas para sa WBA welterweight championship.
Ngunit kahit talunan sa huli niyang laban, marami pa rin ang sumalubong kay Pacquiao sa pagdating nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 na umabot sa mahigit 60 katao.
Base sa ulat ng “Unang Hirit”, nakauwi sa Manila ang Team Pacquiao bandang alas-3 ng madaling-araw sakay ng Philippine Airlines flight PR 103 na nagmula nga Los Angeles.
Dito, tumambad sa kanya ang ilang grupo ng kanyang fans na may dala pang mga tarpaulin at banner.
Makikita sa video ang pagsigaw ng mga tagasuporta ng senador na hindi na nasunod ang physical distancing.
Bahagya ring nagkagulo sa lugar nang maglabas umano ng pera ang isang staff ni Pacman kula sa hawak na bag pero hindi naman daw ito ipinamigay sa mga tao.
Base sa pahayag ng staff ni Pacman na si Bernard Peralta, sasailalim sa 10-day quarantine ang senador at ang lahat ng mga kasamahan sa isang hotel sa Pasay City.
Sa panayam kay Manny, sinabi nitong nagulat siya nang makita ang mga supporters sa airport, “Pasensiya na kayo hindi tayo nagwagi pero at least lumaban tayo, hindi tayo sumuko.”
“Hindi ko akalain na sasalubong sila nang ganito. Sabi ko tahimik lang dahil talo naman tayo, hindi tayo nagwagi.
“Laki ng pasalamat ko dahil para rin akong nanalo sa mainit na pagsalubong,” aniya pa
Samantala, muling nangako ang Pambansang Kamao na magkakaroon siya ng official announcement tungkol sa susunod niyang plano para sa kanyang boxing career at kung tatakbo siyang pangulo sa 2022 elections pagkatapos ng kanilang 10-day quarantine.