SA edad na 9, alam na ni Baeby Baste ang kahulugan at kahalagahan ng pagmamahal at pagtulong sa mga nangangailangan lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Isa lamang si Baeby Baste sa mga batang marunong nang mag-share ng kanilang blessings at kahit wala pa ang COVID-19 pandemic ay marami nang natutulungan ang pinakabatang Dabarkads ng “Eat Bulaga.”
“Nagbibigay po ako ng bread, cologne, cheese. Sabay kami kumakain, naglalaro sa labas dito sa St. Agnes orphanage dito sa General Santos,” ang kuwento ng Kapuso child star at TV host sa isang episode ng “Stories of Hope” ng GMA 7.
“Tuloy-tuloy lang po kami ng bigay kasi friends ko po sila,” aniya pa. Pero sabi ni Baste, noong magsimula ang pandemya ay hindi na siya nakakasama sa pagbibigay ng tulong sa mga bata dahil bawal na ngang lumabas.
“Sobrang happy po ako na mag-give ng mga love sa other people tapos ma-appreciate po nila ‘yan,” sabi pa ni Baste na nagkaroon din ng donation drive para sa mga frontliners, kabilang na ang mga police officers tulad ng kanyang ama.
Mensahe naman niya para sa lahat ng Dabarkads na naghihirap pa rin ngayon dulot ng health crisis, “Don’t lose hope, don’t lose faith. Always pray to God and all will be fine.”
Samantala, nabanggit din ni Baeby Baste kung gaano na niya ka-miss ang mga kasamahan niya sa “Eat Bulaga.”
“Sobrang, sobrang sad po ako na hindi na ako maka-work sa Eat Bulaga, at miss na miss ko na po ang Eat Bulaga at mag-work doon sa kanila,” sey ni Baste.
Sa ngayon bukod sa pag-aaral online, tumutulong din si Baste sa mga gawaing bahay at regular na rin siyang nag-exercise para hindi siya manghina at magkasakit.
“Kami ni mama nagba-boxing para iwas-sakit. Sa boxing po ang natutunan ko is self-discipline and self-defense,” ani Baste na nahihilig na rin sa pagte-treadmill.
Nahihilig na rin daw siya ngayon sa pagluluto at ibinandera pa sa mga Dabarkads na ang kanyang specialty ngayon at paboritong gawin ay ang tuna pasta.