Gigi de Lana, Gigi Vibes Band inalala kung paano nagsimula; masaya sa paparating na debut album

WALA kaming ideya kung sino si Gigi de Lana kaya kinailangan pa naming i-research at siya pala ‘yung kumanta ng Bakit Nga Ba Mahal Kita na hit song ni Roselle Nava noong 1994.

Naging viral ito nang ginawang challenge ng netizens dahil sobrang taas ng version ni Gigi. Pataas ng pataas niya itong kinakanta dahil pinagkatuwaan siya ng band mates niya na umabot sa 15M ang views ang Basta’t Mahal Kita challenge kaya umingay ang pangalan niya at ang GG Vibes band.

Grand finalist ng “Tawag ng Tanghalan” Season 1 noong 2016 sa “It’s Showtime” si Mary Gidget Orfano De Llana o Gigi de Lana para mas madaling tandaan at bigkasin.

Nang matapos ang journey ni Gigi sa TNT ay pagiging content creator sa sariling YouTube channel ang pinagkakaabalahan niya at TV guestings outside ABS-CBN.

Hanggang sa naging aktibo sa live streaming sa YT at Facebook page kasama ang bandang GG Vibes na binubuo nina Jon Cruz, LA Arquero, Harvy Jake Manalo, at Romeo Pastre Marquez tuwing MIyerkoles at Sabado sa ganap na 8p.m na napapanood na worldwide.

Ang manager ng Gigi Vibes at special friend ni Gigi na si Erwin Lacsa ay siya ring may-ari ng studio kung saan sila nagre-recording at nagla-live streaming ang nangulit na gumawa na sila ng original songs.

Sa ginanap na zoom mediacon ni Gigi kasama ang kanyang Gigi Vibes band ay in-anunsyo nilang lalabas na ang debut album nila ngayong Setyembre na sila mismo ang sumulat at naglapat ng tunog at saka nila dinala kay Jonathan Manalo, hepe ng Star Music.

Ayon kay Jonathan, “sobrang ganda ng mga original songs. Kung napapanood n’yo si Gigi na-amaze kayo sa kanya doing covers almost all songs kaya niyang gawin, di ba? Imagine na lang na ‘yung current na ‘yun kayang gawin ni Gigi at ng banda niya doing their originals and grabe, grabe talaga.

“Actually nu’ng namimili kami ang dami na nila talagang nagawang originals and itong first album is very original kasi pinili namin ‘yung pinaka okay na line-up na magi-introduce sa banda sa kanilang mga original.”

Nabanggit pa na wala pang napipiling kanta ang team ni Jonathan kung ano ang carrier song ng album dahil lahat magaganda.

Sobrang saya nina Gigi at ng bandmates niya dahil naisip nila ang mga pinagdaanan nilang hirap bago nila narating kung nasaan man sila ngayon.

Balik-tanaw nito, “we started from scratch, normal lang kaming tao and we just want to make people happy, to make their lives happier.”

Binanggit ding wala silang mga gamit noon, walang pera, walang pambayad ng electric bills at ang pinag-iipunan nila ay ang router para makapag live streaming sila.

“Sobrang hirap ng internet, ‘yung halaga na one thousand four hundred pesos is one week naming bubunuin. Magla-live kami para makabuo kami ng 1,400 kasi dati hindi naman ganu’n, ang audience namin sa livestream 90, 100, masaya na kami sa 400,”kuwento ng pianistang si Jon.

Dagdag ni Gigi, “pag umabot ng 500 ang saya na namin kasi ang dami ng nanonood. Hanggang sa umabot na ng 1k, naging 5k, kumakalat na hanggang sad umami na.”

Sa tanong kung ano na ang pakiramdam ngayon ni Gigi dahil unti-unti ng natutupad ang pangarap niya.

“Ang pangarap ko lang po kasi before, meron akong pambili ng pagkain, pambili ng basic needs, makabayad ng utang kasi po marami kaming utang before kasi hindi talaga namin kaya, hindi naman ako laki sa yaman. Gusto ko lang talaga makabayad ng utang, makabili ng dalawa o tatlong kilong bigas.

“Siguro nakilala talaga kami dahil sa passion namin sa music (nagsimulang kumanta si Gigi sa edad na 5). At ang pinaka-dream ko ngayon is isa lang, gumaling ang mommy ko at kasama ko ang banda ko, lagi, ayokong iiwan nila ako at ayokong iiwan ko sila kasi napi-feel ko sa kanila ‘yung home,” naluluhang pahayag ng dalaga.

Paulit-ulit pang sinabi ni Gigi na gusto niyang makasama ang Gigi Vibes kung saan man siya makarating at ang pagiging artista ay pangarap ng nanay niya.

“To be an actress is the dream of my mom, so gusto ko ring gawin for her kasi alam kong matutuwa siya as in at alam n’yo po ba gusto niya akong makita sa billboard.

“Sabi niya, ‘anak gusto ko marami kang billboard ‘yung ganu’n katulad nu’ng sa Belo. Sana meron kang (billboard) ng food, skin care,” kuwento ng dalaga.

Kaya naman tuwang-tuwa ang mommy ni Gigi nang mapanood siya sa pelikulang Four Sisters before the Wedding kaya lang tila hindi nagustuhan ang karakter niya.

“Ang tanga ko raw ha, haha. Sabi niya bakit ganu’n ‘yung pangalan mo Tete?’ Sabi ko maganda role ko, ‘ang tanga mo ro’n’ ha, haha. Happy po ng mommy ko, sobrang happy siya pero ang bungad nga niya, ‘ang tanga mo ro’n.’” natatawang kuwento ng isa sa Rise Artists Studio talent.

Kabilang na rin sa New Gen Z group si Gigi na napapanood sa “ASAP Natin ‘To” tuwing Linggo.

Samantala, bukod sa album ay pinaghahandaan at excited din sina Gigi at GG Vibes band sa nalalapit nilang You Tube Music Night concert na mangyayari sa Disyembre 2021.

“We are preparing for something big and ito inaareglo na ng banda kung ano ba ‘yung gagawin sa mga kanta, gagawa kami ng medley, maraming pakulo. May guests din pero secret pa,” say ng dalaga

Bukod sa digital concert at kasama rin ang gurpo sa Filipino music festival na “1MX Dubai” gaganaping sa Disyembre 3.

Read more...