Sa Oktubre, dapat lang magwakas na ang nangyayaring hidwaan sa mga kandidatura nina Davao Mayor Sara Duterte, Senator Bong Go at si Pangulong Duterte. Magkakaalaman ito sa mismong “certificate of candidacy” na isusumite ng tatlo sa COMELEC sa tatakbuhan nilang posisyon.
Pero, dahil sa nakakabiglang “press statement” ni Mayor Sara na nagbubulgar sa sariling amang Digong , Bong at PDP-laban, maraming maiinit na “analysis” ang naglabasan. At marami ang nagtatanong. Isa kaya itong “calculated risk” ni Sara upang lalo siyang pag-usapan? Isa ba itong pusturang pulitikal para ipakitang iba siya sa tatay at kay Bong ? Maniobra ba ito upang guluhin ang pinal na paghahanda ng mga kalabang kandidato at oposisyon?
At dahil pulitika, balewala ito sa taumbayan pero matinding paksa sa mga debate. Magugustuhan ito mga “political tacticians” ng tatlo. Epektibo rin itong panlansi na magtatakip sa ibang importanteng isyu ng bansa. Halimbawa, yung imbestigasyon ng Commission on Audit (COA) sa mga pondo ng administrasyon o pagbibitiw ni Secretary Fransisco Duque o kaya’y mala-dambuhalang pork barrel ng mga senador, congressman pati Malakanyang. Sinadya nga ba o hindi ang teleseryeng ito?
Kung tutuusin, hindi kanais-nais ang pagbilad ng mga pagtatalo ng Buena Familia sa Malakanyang. Ika nga, ito’y “family matter” na dapat dinadaan sa masinsin at personal na usapan . Naging padalus-dalos ba ang dalawang panig dito? Kasi nga naman, marami talaga ang nabigla sa matalinhagang “press statement” ni Mayor Sara.
Hinamon niya ang tatay (nagpasintabi muna sa kanyang nanay) at si Senator Go na wag siyang isali ng dalawa sa diskarteng pulitika Binatikos din niya ang PDP-Laban na huwag siyang isama sa hidwaan sa loob ng partido. Binigyang diin pa ni Sara na hindi raw siya “Last Two Minutes person” dahil siya ay nag-oorganisa at nagpapatupad ng kanyang mga plano.
Dalawang kundisyon ang nabulgar. Una, i-endorso niya ang tambalang President Bong Go, Vice president Digong Duterte na itinutulak ng PDP-Laban Cusi faction. May kwestyong moralidad at legalidad sa isang outgoing President na tatakbong “Vice President” , isang posisyon na isang derektang hakbang para makabalik siya ng Malakanyang.
Ikalawang kundisyon, kunin niya bilang Vice Presidential candidate si Senator Bong Go. Bagay na sa tingin ng iba ay magiging de facto VP si Digong dahil pwede niyang “diktahan” ang kanyang “long time aide” na tapat sa kanya. At argumento nila, matitiyak ang “continuity” ng mga programa niya sa susunod na anim na taon.
Pero, mas narindi ako nang pagsabihan pa ni Sara ang ama at Go na simpleng iprisinta na lang sa taumbayan ang inaalok nilang panibagong serbisyo sa bansa at tulungan ang mga kababayan natin. Ang impresyon ko tuloy , paghamon ito ni Sara kay Tatay Digong at Bong Go na magbigay ng “plataporma” ng kanilang kandidatura.
Bilang reaksyon, sinabi ni Senator Bong Go na wala siyang balak tumakbo at susuportahan niya si Sara bilang Presidente. Ayon pa sa kanya, susundin niya ang pinal na desisyon ng pamilya Duterte. Sabi naman ng Malakanyang, dapat daw bigyan ng espasyo ang mag-ama upang liwanagin, maresolba ang “family matter” na ito.
Pero mula ngayon at sa unang buwan ng Oktubre, ang aabangan nating lahat ay kung susundin ba ni Sara ang pangalawang kundisyon ng amang si Digong . Kukunin ba niyang VP si Bong Go ? O ibang kandidato ang kanyang kukunin, at susuwayin ang sinasabi ni Tatay Digong?
Mahalagang tandaan natin na sa bandang huli, magkakasundo ang mag-amang Sara at Digong at kwestyon na lamang ay kung mangyayari ba ito, bago o matapos ang May 2021 elections.
At kapag nagkataon, ang lahat ng mga maiinit at mapaghamong mga salita binitiwan at nasasaksihan natin ay isang teleseryeng pulitika pala na puno ng drama.. At tayong lahat ay isinakay at pinapaikutan sa isang malaki at mabilis na “ferris wheel” o tsubibo.
Sana, tigilan na!