Dingdong Dantes, Marian Rivera, Zia at Ziggy Dantes
“WALA naman talagang perfect relationship!” Ito ang naging pahayag ni Marian Rivera patungkol sa pagsasama nila ni Dingdong Dantes bilang mag-asawa.
Nagbahagi ang Kapuso Royal couple ng ilan sa mga sikreto sa likod ng matatag at masaya nilang married life sa ginanap na GMA Pinoy TV FunCon.
Naniniwala ang Kapuso Primetime Queen na lahat ng mag-asawa ay may pinagdaraanan pero aniya pwede ring maging close to perfect ang relasyon kung marunong mag-effort ang bawat isa.
“Wala naman talagang perfect relationship e. Pero sabi nga namin kung kayong dalawa wino-work n’yo ‘yun together siguro puwedeng maging close to perfect, hindi ba?
“Tsaka siguro malaking factor din na palagi kaming naglalaan ng time kahit nasa bahay kami,” aniya pa.
Dapat din daw maging sensitive sina mister at misis sa nararamdaman at kalagayan ng isa’t isa.
“Kasi ngayon na may pandemya, nasa bahay lang kayo. Baka minsan akala mo porket nasa bahay kayo na magkasama kayo ‘yun na ‘yung time na ‘yun. Hindi.
“May time talaga kami na kaming dalawa na palagi kaming nag-uusap, nag-heart to heart talk talaga kami kung kumusta ka na, ano’ng nangyari sa’yo, may kailangan ka ba?” paliwanag ng Kapuso TV host at aktres.
“Siguro napakalaking halaga nu’n na nalalalaman mo o tinatanong mo yung partner mo kung kumusta na siya,” dugtong pa ng mommy nina Zia at Ziggy Dantes.
Isa pa sa sikreto ng masayang pagsasama ng DongYan ay ang pagpapakilig. Sey ni Marian, “Hindi nawawala ‘yung kilig kasi ewan ko. Marami kasing gimik kasi din ‘to e. Parati akong pinapakilig e. So ako naman sa iba ko naman siya pinakikilig, sa ibang way. Magkaiba kaming dalawa.”
Bukod pa rito, “Malaking factor na sinasama namin ang Panginoon sa gitna namin at ‘yun ang nagpapatibay talaga sa relasyon namin at sa mga anak namin.”
Samantala, nabanggit naman ni Dingdong na marami rin siyang natututunan kay Marian, “Mas nai-inspire ako maging mabuting tao dahil sa kanya.
“Kumbaga, sinusuportahan niya lahat ng gusto ko. Kunwari may gusto akong makamit o marating, nandiyan siya talaga 100 percent to support me at ganoon din ako para sa kanya.
“Pero hindi naman parang tipong kung ano ‘yung kulang sa akin, pinupuno niya at kung ano ang kulang sa kanya, pinupuno ko. Kumbaga, nagiging best versions of ourselves kami. Gusto namin parating 10 over 10 sa isa’t isa,” paliwanag pa ng award-winning Kapuso actor.