GINEBRA, SAN MIG magbabakbakan

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Barako Bull vs Global Port
6:30 p.m. San Mig Coffee vs Barangay Ginebra
Team Standings: Petron Blaze (5-1);
Meralco (4-2); Barako Bull (3-2); Rain or Shine (3-3); Alaska Milk (3-2); Talk ‘N Text (2-3);  Barangay
Ginebra (2-3); San Mig Coffee (2-3); Global Port (2-3); Air21 (1-5)

KAPWA kulang man ng ilang manlalaro ang San Mig Coffee at Barangay Ginebra San Miguel, inaasahang magiging explosibo ang kanilang pagkikita sa 2013 PBA Governors’ Cup mamayang alas-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Parehong may 2-3 records ang Mixers at Gin Kings na kapwa galing sa panalo. Dinaig ng San Mig Coffee ang Global Port, 102-88, samantalang tinalo ng Barangay Ginebra ang Air21, 106-93.

Subalit malaki ang naging kabayaran ng panalo laban sa Batang Pier dahil sa nasangkot sa kaguluhan sina Marc Pingris at Joe Devance.

Si Pingris ay nakipagsuntukan kay Kelly Nabong may 8:11 ang natitira sa third quarter. Bunga nito sina Pingris at Nabong ay kapwa sinuspindi ng tigalawang laro at pinagmulta ng P60,000.

Si Devance, na napasama rin sa gulong  iyon, ay sinuspindi ng isang laro at pinagmulta ng P30,000. Isa pang Global Port player, si Marvin Hayes, ay pinagmulta ng P20,000.

Patuloy namang hindi makapaglalaro para sa Gin Kings si Japeth Aguilar bunga ng strained MCL. Sa import matchup ay magduduwelo sina Marcus Blakely ng San Mig Coffee at Dior Lowhorn ng Barangay Ginebra.

Natatanging matchup naman sa locals ang pagkikita nina reigning Most Valuable Player Mark Caguioa at two-time MVP James Yap.

Sa unang laro sa ganap na alas-4:15 ng hapon ay magsasalpukan ang Barako Bull (3-2) at Global Port (2-3). Napatid ang two-game winning streak ng Energy Colas nang sila ay payukuin ng Petron Blaze, 112-87, noong Martes.

Ang Barako Bull ay pinamumunuan ni Michael Singletary at rookie point guard Emman Monfort na kamakailan ay pinarangalan bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.

Ang iba pang matinding performers ng Barako Bull ay sina Danny Seigle, Mick Pennisi at Ronjay Buenafe. Hindi naman lubhang makakaapekto sa Global Port ang pagkawala ni Nabong na isang role player.

Makakaharap ni Singletary si Markeith Cummings na susuportahan nina Willie Miller, Solomon Mercado, Jay Washington at Gilas Pilipinas cager Gary David.

( Photo credit to INS )

Read more...