MASAYANG nakipagkulitan si Herlene Budol o mas kilala bilang Hipon Girl sa Hashtags member na si Ryle Santiago.
Sa vlog ni Hashtags Ryle, inaya niya ang dalaga dahil naaliw ito sa karakter nito matapos mapanood ang mga naging vlogs kung saan nandoon ang dalaga.
May pasimpleng asar ang dalaga nang pag-usapan nila ang kanilang parehas na piercings.
“Bakit ka naiiyak? May luha-luha pa,” asar ni Hipon Girl nang sabihin ni Ryle na may kasama siya nung nagpa-pierce sa tenga.
Depensa naman ni Ryle, nagkaka-allergy siya dahil sa biglaang pag-ulan kaya parang naluluha ang mata.
“Di nga? Allergic ka sa ulan?” takang tanong ni Hipon girl.
“Pag sa ‘ming mahirap, wala ‘yan. Ayan ang hirap sa mga mayayaman. Ayan rin ‘yung hirap sa mga may kaya-kaya. ‘Di niyo kalaro ‘yung germs. Kasi kami, kalaro namin ‘yung germs.
“Oh ikaw, halimbawa na lang kalaro kita. Ako ‘yung germs, kalaro kita. Bibigyan ba kita ng sakit? Siyempre hindi. Bibigyan ko ‘yung di ko kalaro. Kapag binigyan kita ng sakit, wala na akong kalaro. Ganun lang ‘yun,” paliwanag ni Hipon Girl.
Napatawa naman si Ryle at sumang-ayon sa dalaga.
Nang tanungin kung kumportable siya na tawaging Hipon Girl, aminado ang dalaga na ayaw niya noon pero natanggap na lang niya nang tumagal.
“Okay na ‘yun, kaysa naman itanggi ko pa, eh sa true lang. Nito lang ako naging pala-ayos. Ngayon, natuto na lang ako noong napasok sa showbiz,” sagot ng dalaga.
Ayon sa kanya, hindi daw niya nakikita ang sarili bilang artista dahil hindi pa naman daw siya nagiging bida.
Tinanong naman siya ng binata kung sino ang nais niyang maging leading man kung sakaling maging bida siya sa isang project.
“Leading man? Mga ano, Coco Martin, Dingdong (Dantes). Siyempre may channel 2, may channel 7,” sagot naman ni Hipon Girl.
Nang tanungin naman kung sino ang sa channel 5, tila nalito ang dalaga.
“Derek Ramsay, tama ba? Channel 5 ba ‘yun?” nalilitong sagot niya.
Ikinuwento rin ni Hipon Girl na kahit wala pa siya sa “Wowowin” ay dakilang raketera na siya.
Ngayong pandemya nga ay mayroon itong business na Budol Shirts.
Dahil nga nasa adult topics na ang dalawa, naitanong ni Ryle kung ano ang plano o goal ni Hipon Girl.
“Kasi dati ang daming nagtatanong sa akin, ‘Anong pangarap mo sa buhay?’ ganyan, sabi ko wala. Ngayon, meron na. Makaipon at masustentuhan ‘yung pamilya ko. ‘Yun na ang goal ko,” proud na sambit ng dalaga.
Nagulat at tila na-touch naman ang dalaga nang tanungin siya kung okay pa ba siya.
Sagot naman ni Ryle, naitanong niya ito dahil ngayong pandemya, marami ang nahihirapan at bihira ka nang makarinig ng pangangamusta mula sa iba.
“Oo nga eh. Ikaw pa nga lang (ang nagtanong kung okay pa ako). Kaya nga nagulat ako, ‘okay ka pa?’.
“Okay pa naman. Ngayon nga medyo nakakasurvive pa ako kasi sa tulong ng mga taong nakapaligid po sa akin. Ayun, masaya naman na ako.
“Basta pinagpe-pray ko lang palagi na maging tuloy-tuloy lang tsaka good health sa pamilya ko para ‘di kami gumastos,” saad ng dalaga.
“Tsaka good health sayo kasi kung hindi ka good health, paano kikita lahat, ‘di ba?” dagdag naman ni Ryle.
Hanga naman ang binata kay Hipon Girl sa mindset nitong matuto kahit na maliit na bagay araw-araw. Hinangaan rin niyo ang pagiging appreciative ng dalaga sa lahat ng bagay na dumarating sa kanyang buhay.
Dagdag pa ni Hipon Girl, “Hindi na kasalanan ni Lord kung ipinanganak kang mahirap. Kasalanan mo na kung mamatay kang mahirap.”