Isko Moreno
NAGSIMULA bilang konsehal, pagkatapos ay naging vice mayor at sa kasalukuyan ay mayor na ng Maynila si Francisco “Isko” Moreno Domagoso kaya ang tanong ng marami, “saan na papunta si Yorme?”
Sa panayam ng TV host-vlogger at aktres na si Toni Gonzaga-Soriano kay Mayor Isko para sa kanyang YouTube channel na in-upload nitong Linggo ng gabi ay sinagot nito kung ano na ang plano niya sa 2022 eleksyon.
“Let the natural course of nature,” sambit ni Yorme.
Marami ang nag-uudyok kay Mayor Isko na tumakbong presidente ng Pilipinas dahil maganda ang nagawa nitong pagbabago sa lungsod ng Maynila at marami ang may gustong “sana ganito rin ang mangyari sa bansang Pilipinas.”
Tanong ni Toni, “Sabi n’yo po, you value the trust at ‘yung pagmamahal ng mga tao sa inyo? Paano po pag nagkaroon sila ng clamor for you to run for a higher office, the highest position in the land. The President of the Philippines?”
Natawa si Yorme sabay turo ng ceiling ng opisina niya, “The highest dito, ‘yung tower. Ha-hahaha!” Natawa rin si Toni sa tinuran ng alkalde.
At seryosong sabi ni Isko, “Just to be fair with you, lahat ng politiko pag sinawsaw na ‘yung paa sa swimming pool ng pulitika, ang maximum goal niyan presidency. Career growth ‘yun, eh.”
Inulit ni Toni, “The highest position in the land.”
“Exactly, the dangerous thing that we’ll do in the next coming months is to politicize the situation.
“Ako kasi there is time for that and I will be honest to the people and be fair at the very least by saying it on the right time.
“Today (sabay iling) ‘oh mauna na kayo (sabay kumpas ng kamay), atat kayo, eh, sige,” nakangising sagot ni Yorme.
Sa madaling salita walang konkretong sagot si Mayor Isko sa tanong ni Toni kung kakandidato siya o hindi. Ang basa namin ay depende pa ito sa survey sa buong Pilipinas kung tutuloy siya o tatapusin niya ang termino niya bilang mayor ng Maynila dahil mayroon pa siyang anim na taon.
Sa edad na 46 ay gusto na raw magretiro ni Yorme pagsapit ng 50 kaya nagulat si Toni dahil apat na taon na lang ang ilalagi niya sa public service.
“46 lang po kayo, so four years (na lang)?” Tanong ng TV host-vlogger.
“Within that range. I’ve been working since 10 years old. Kung baga sa makina ng kotse pang-overhaul na ako, gastadong-gastado na ako.
“There is a point that I have learned with great leaders, they know when to stop. I have never dreamed of being a mayor of Manila.
“As I have said repeatedly, the only way for me to have a comfortable living is maging seaman. At para maging seaman kailangang mag-aral without it hindi ka magiging seaman.
“O puwede ka namang hindi mag-aral, maging seaman ka o sea-mandurukot na lang (sabay tawa),” kuwento ni Yorme.
Pero hindi naman niya ginawa ang mandukot dahil takot siya sa nanay niyang matapang at pinalaki siya ng maayos, may takot sa Diyos at tapat sa lahat ng bagay.
Nabanggit ni Toni na ang ganda ng kuwento ng buhay ni Mayor Isko dahil hindi naman niya pinangarap ang lahat ng nangyari sa buhay niya, simula maging artista at maging mayor na. Lahat ng ito’y plano lahat ng Panginoong Diyos.
“Ah definitely, akalain mong kailangang mamatay ng kapitbahay ko para ma-discover ako at mabago buhay ko?” nakangiting sagot ni Yorme na ikinatawa rin ni Toni.
Sundot ni Toni, “Yung pagkamatay niya, pagkabuhay ng inyong career.”
“Exactly, what are the chances God has so many ways. Kaya I’m always grateful to God and I’m afraid that… basta takot ako sa kanya ‘yan ang importante,” nakangiting sabi ni Mayor Isko na kasalukuyang naka-quarantine matapos magpositibo sa COVID-19 pero tuloy pa rin ang trabaho niya via zoom.
Oo nga, sinong mag-aakala na ang batang laking-Tondo na nagbabasura, puro pagpag (tira-tirang pagkain) ang kinakain, puro banil at alipunga ang katawan noon ay heto’t iginagalang na ng ama ng Maynila ngayon?
Abangan na lang natin kung itutuloy niya ang pagtakbong Presidente ng Pilipinas sa 2022.