Manny Pacquiao at Dionisia Pacquiao
KAKAUSAPIN uli ni Dionisia Pacquiao ang anak na si Sen. Manny Pacquiao para tuluyan na itong magretiro sa pagboboksing.
Maluwag na tinanggap ni Mommy D ang pagkatalo ng Pambansang Kamao sa Cuban champion boxer na si Yordenis Ugas.
Sabi ng nanay ni Pacquiao, sa kahit anong laban naman daw ay may nananalo at natatalo at nagkataong hindi sinuwerte ang anak niyang senador sa huling laban nito.
“Wala ko naguol nga napildi siya, kay unsaon man… kay kaning away, manalo, matalo man gyud, di ba? Dili man pud puros panalo,” ang pahayag ni Mommy D sa panayam sa kanya pagkatapos ng 12-round fight nina Pacman at Ugas.
(Hindi ako nalungkot kasi sa ganiyang laban, may nananalo at may natatalo, ‘di ba? Hindi naman palaging panalo.)
Naganap ang nasabing boxing match Sabado ng gabi (tanghali ng Linggo sa Pilipinas) sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada.
Unanimous ang desisyon ng mga hurado sa pagpili kay Ugas (sa scorecard na 115-113, 116-112, at 116-112) para mapanatili nito ang WBA super welterweight title laban kay Pacquiao.
Natanong din ang nanay ni Pacman kung gusto pa ba niyang makipagsagupaan ang anak sa loon ng boxing ring at kung payag siyang magkaroon ng rematch ang anak kontra Ugas.
Sagot ni Mommy D, “Mu-retiro na siya uy. Kay giingnan nako, sa nanalo siya adtong una, muretiro na siya. Ayaw man niya mag-retiro… Anha na tingale mu-retiro kung natalo. Karon, natalo siya, mu-retiro na.”
(Magreretiro na siya. Sinabihan ko dati nu’ng nanalo siya na magretiro na siya. Ayaw niya. Siguro, saka na lang kung natalo siya. Ngayong natalo siya, magreretiro na siya.)
Naniniwala rin daw si Mommy Dionisia na ang pagkatalo ni Manny ay patunay lamang na may katapat na raw ang Pambansang Kamao pagdating sa pagboboksing.
Pagkatapos ng laban niya kay Ugas, humingi ng paumanhin si Pacman sa kanyang pagkatalo, “I’m sorry that we lost tonight but I did my best and I apologize.”
Natanong din si Pacquiao kung lalaban pa siya uli pagkatapos niyang matalo, “I don’t know. Let me rest first, relax and make a decision if I will continue to fight or not.”
At tungkol naman sa balitang pagtakbo niyang pangulo ng Pilipinas sa 2022 elections, “I will make a final announcement next month. I know I’m facing a big problem, more difficult work than boxing but I want to help the people. I want to help them.”