Willie patuloy ang pagbibigay ligaya sa programa, hindi papatalo sa COVID-19


Nasa private resort ngayon si Willie Revillame na kanyang pagmamay-ari kung saan kasama niya ang mga staff ng “Wowowin” para sa lock-in live broadcast.

Nasa ilalim kasi ng Enhance Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases at ibinaba na sa MECQ simula ngayong araw, Agosto 21.

Base sa paliwanag ng “Wowowin” host ay tigil lahat ang live shows, shootings, at tapings kapag nasa ECQ ang Metro Manila bagay na ayaw niyang mangyari dahil mahihinto ang pagbibigay niya ng kasiyahan at pagtulong sa mga sumusubaybay ng programa niya.

Kaya ito ang naisip niyang paraan na sa private resort niya sa Mindoro gawin ang live broadcast ng show.

“Gumagawa ho ako ng paraan para matuloy ang programa. Hindi tayo pwedeng magpatalo sa ganito. Kung merong giyera tayong pinagdadaanan, giyera ho ito, eh. Na hindi natin nakikita ang kalaban natin,” say ni Willie.

Dagdag pa niya, “Kami ho dito, walang lumalabas. Cameraman namin, direktor, lahat, bawal. Pina-padlock ko. Alam n’yo bakit? Ayoko pong maging cause kami rito. Alam n’yo po itong Puerto Galera, COVID-free dahil napaka-istrikto po rito.”

Bago naman nangyari iyon ay ipinagpaalam ng TV host ang lahat at sumunod sila sa safety protocol ng LGU.

“Kami, hindi kami pinapasok ng Mayor hangga’t walang antigen (test) at vaccine. Pinakita po namin. So, naka-antigen kami at lahat naman ho kami, halos nabakunahan na,” kuwento ni Willie.

Lagi ring ipinapanalangin ni Willie ang kalusugan ng lahat kaya’t nagpapasalamat siya na hindi siya nagkakasakit at matinding pag-iingat din ang ginagawa niya.

Maging ang mga mamayan ng Puerto Galera ay pinasalamatan ni Willie.

“Kasi kung ang mga taong ito eh hindi ako pinagbigyan, wala ho kami dito, walang programa, puro replay. Eh bakit naman ako magre-replay kung pwede namang live. Gawan natin ng paraan ‘yan.

“Kung matatakot kayo sa sakit na ‘yan, dapat hindi. Labanan natin ‘yan. Ano panlaban? Safety – face shield, face mask, social distancing. Sumunod tayo. Kung di dapat lumabas, ‘wag lumabas. Kaya kami ho dito, walang lumalabas,” paliwanag ng host.

Read more...