KONTROBERSYAL ang paraan ng pag-alis ni Madam Inutz sa Star Image Artist Management kung saan nag-sign siya ng kontrata kamakailan.
Sa isang video na pinost nito sa kanyang YouTube channel, inamin ni Madam Inutz na naging padalos-dalos ang kaniyang naging desisyon dahil nais lamang niyang umasenso.
Marami rin sa mga followers niya ang nainis sa kanya dahil hindi man lamang daw ito kumunsulta at agad-agad na pumirma ng kontrata.
Dagdag pa ni Madam Inutz, napag-alaman niya na walang expiration ang kontrata kaya isa ito sa mga naging rason niya para umalis.
Ibinahagi nina David Cabawatan at Vince Apostol, mga may-ari ng Star Image Artist Management, ang saloobin sa kontrobersya sa panayam kay Ogie Diaz.
“Nalungkot ako, nalungkot kami because despite our efforts to reach her, to explain everything to her, lahat ng mga plans namin for her na sana mapag-uusapan pa, and ‘yung pumunta kami, nag-sign siya, maayos kaming nag-usap tapos nung nag-announce siya, nalungkot talaga ako,” pagbabahagi ni David.
Ayon naman kay Vince Apostol, 4-year contract daw ang pinirmahan ni Madam Inutz na taliwas sa naunang pahayag ng social media star.
“Ang concern kasi niya rito, what if after a year or two, wala nang project, nganga siya. Hindi, eh. We even explained to her na maraming possible na maging projects. Not just with endorsements kasi we also have our own production,” pagpapatuloy ni David.
“And we will exert our effort kasi we don’t know what’s coming. We will do our very best for every artists natin,” dagdag ni Vince.
Nirerespeto naman ng dalawa ang desisyon ni Madam Inutz at nananatili ang suporta ng mga ito sa kanya.
Aware naman daw sila na para sa kapakanan ng pamilya ang ginagawa ng viral online seller at alam nila ang estado ng buhay nito kaya hindi nito hahadlangan kung anuman ang gusto at pangarap nito.
“It’s painful for us kasi alam namin malinis ang hangarin namin per we need to move forward kasi we still have our other artists na umaasa sa amin, na naniniwala sa amin,” saad pa ni David.
Giit pa ng dalawa, masyado kasing natabunan ng mga issues ni Buknoy ang management kaya hindi nakikita ng mga tao kung paano sila mag-manage sa iba nitong talents.
Ayon naman kay Ogie, lesson learned ito para sa Star Image Artist Management na kilalanin munang mabuti ang posibleng talent para maiwasan ang pagkakamali sa pagma-manage ng talent.
Hindi rin naman daw masisisi ang parehas na partido dahil na-overwhelm lang naman daw si Madam Inutz sapagkat ito ang first time na nag-alok sa kanya ng offer.
Dalangin naman ni Ogie na magkaayos ang dalawang partido at magkapatawaran na sa kabila ng nangyari.
Panawagan rin niya na sana’y huwag nang i-bash si Madam Inutz at Star Image Artist Management.