SA panahon kung saan digital na ang lahat ng mga bagay at halos lahat ng tao ay stay at home dahil sa pandemya, marami na sa mga madlang pipol ang naiisip na maging YouTube vlogger or social media influencer.
Marami na nga ang nagsusulputang vloggers at kahit mga artista’y pinapasok na rin ito dahil sa limitadong proyektong natatanggap at ang iba naman ay nag-iingat sa COVID-19 kaya nakita ang vlogging bilang oportunidad para kumita ng pera habang nasa bahay.
Isa si Alex Gonzaga sa mga kilalang vlogger na namamayagpag ngayon sa YouTube.
Sa kabila ng tagumpay na nararanasan ng actress-TV host, hindi naman kaila sa madlang pipol kung ano ang pinagdaanan ng dalaga bago matagpuan ang tamang career path para sa kaniya.
Naging bukas si Alex sa kuwento ng buhay nito simula nang pasukin nito ang showbiz hanggang sa pagkakadiskubre ng potensyal sa vlogging at pati ang kuwentong pag-ibig nito ay knows ng netizens.
Sa panayam niya kay Kuya Kim Atienza, ibinahagi ni Alex ang ilan sa kaniyang maipapayo sa mga nagnanais pasukin ang mundo ng vlogging.
“Kapag nag-YouTube ka, hindi because ‘yun ang uso, it’s because ‘yun ang gusto mo kasi hindi siya biro parang pag-aartista,” simula ng aktres.
“‘Di ba sa pag-aartista, ang daming pipila pero konti lang ang mag-i-stay kasi pag nakita na nila ‘yung puyat, sigaw ng direktor, ‘yung kailangan mo talagang mag-memorize, bigla kang madi-discouraged kasi you just want the glitz and the glamour.
“Ganon rin sa YouTube lalo na pag may brands ka na, may mga katrabaho ka na. Mayroon ka ng challenges talaga so you really have to be creative na in a way na careful ka.
“Kailangan gusto mo siya, hindi because nakikigaya ka or because you want to earn,” pagpapatuloy niya.
Ayon pa sa dalaga, palagi raw siyang pinapaalalahanan ng ama na susunod ang biyaya kung gusto at mahal mo ang ginagawa mo.
“You don’t have to target the audience of other people, you just have to be your own audience. If you enjoy your own videos, then you’re good,” dagdag pa nito.
Nagsimula ang vlogging career ni Alex noong July 2017 at ang kaniyang unang vlog ay kasama ang kapatid na si Toni Gonzaga.
Ngayon ay apat na taon na ito sa YouTube world at kasalukuyang may 11.3 million subscriber at 193 published videos.