Bitoy: Hindi mawawala sa ere ang Pepito Manaloto at hindi rin ako lilipat ng network

Michael V

MARIING pinabulaanan ni Michael V. ang balitang lilipat na siya ng ibang network at tuluyan nang matsutsugi sa GMA ang comedy show niyang “Pepito Manaloto.”

Itinama agad ni Bitoy ang ispekulasyon ng mga netizens tungkol sa mga chikang ito sa pamamagitan ng kanyang latest vlog sa YouTube.

Nitong nagdaang weekend kasi ay naglabas ng teaser ang TV host-comedian para sa bago niyang vlog kung saan naka-post ang kanyang litrato na may nakasulat na “Goodbye Pepito” at “Hello new network.” 

Bukod dito, ibinahagi rin niya ang kanilang family photo sa Instagram matapos silang mabakunahan kontra COVID-19. Aniya sa caption, “Watch the latest vlog para malaman kung ano’ng konek ng 2nd pic.” 

Paglilinaw ni Bitoy, “Hindi po totoong mawawala na sa ere ang Pepito Manaloto at hindi rin ako lilipat ng ibang network.” 

Ipinaliwanag din niya kung bakit may mga video rin na kuha habang nagpapabakuna siya pati na ang iba pang miyembro ng kanilang pamilya.

Aniya, may koneksyon sa “Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento” ang mga ipinakita niyang vaccination clips sa vlog. Dahil nga kinunan ang mga unang episode ng comedy show under the new normal ay kailangang fully vaccinated na ang lahat ng involved sa production.

May explanation din ang komedyante tungkol sa mga  chapter ng “Pepito Manaloto” na hinati sa tatlo.

Aniya, ang mga nangyari sa Book 1 ay panaganip lang ni Pepito habang ang Book 2, chapter 1 naman ay ang totoong nangyari sa buhay ng mga karakter sa kuwento at ang lahat ng naganap sa Book 1 ay bahagi pala ng isang reality show.

Ang Book 2, chapter 2 naman ay ang pagpapatuloy ng kuwento ng buhay ni Pepito at ng kanyang pamilya kung saan tinakalay nga ang pagsisimula ng pandemya. At ang panghuli ay ang Book Zero — ito na nga ang napapanood ngayong “Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento.”

Sey ni Bitoy, “Alam iyan ng mga totoong fans ng Pepito Manaloto na pinanood at inintindi yung mga episodes na napanood nila!”

“Dahil ayaw tayo lubayan ng COVID, we decided na isara na yung chapter 1 ng Book 2 para makapagbukas ng chapter 2.

“Humahanap lang kami ng diskarte kung papaano kami makakagawa ng mas magandang presentation ng show,” esplika pa ni Michael V.

Read more...