Madam Inutz at Wilbert Tolentino
TULUYAN na ngang nilayasan ng viral online seller na si Madam Inutz (Inutil) o Daisy Lopez sa tunay na buhay ang Star Image Management.
Nag-live sa kanyang Facebook page na Daisy_licious Ukay si Madam Inutz para ihayag sa publiko kung bakit umalis siya sa naturang talent management, tatlong araw matapos pumirma ng kontrata.
Dahil dito, maraming netizens ang nagpayo sa kanya na magpa-manage na lang sa kilalang pilantropo at events producer na si Wilbert Tolentino na mas kilala sa social media bilang si “Sir Wil” at “Mr. Generous” na wala ring tigil sa pagtulong sa mga nangangailangan lalo na ngayong panahon ng pandenya.
Mula sa pagiging Mr. Gay World titlist ay naging matagumpay nga siyang businessman at online philanthropist. Isa na rin siya ngayong certified YouTuber.
Kaya hindi nakapagtataka na may mata rin siya pagdating sa talento ng iba at kung may makita man siyang potential sa isang tao, hindi siya magdadalawang-isip na tulungan ito. Tulad nga ng ginagawa niyang pagsuporta sa mga celebrity friends at vloggers din na sina Zeinab Zarake at Donnalyn Bartolome.
Going back to Madam Inutz, instant star nga sa socmed ang online seller na si Madam Inutz dahil marami siyang napapasayang tao sa pamamagitan ng kakaibang style ng pagtitinda sa FB.
Dahil dito, marami ang nagkainteres na tulungan siya dahil araw-araw ay libu-libo ang viewers niya. Sa katunayan, na-feature na rin siya sa “Kapuso Mo Jessica Soho” nito lamang nagdaang Linggo.
Isa ang Star Image Management na nagbigay ng interes para i-manage si Madam Inutz ngunit umani ito ng negatibong reaksyon.
Kasunod nito, nag-live nga si Madam Inutz sa Facebook para i-anunsyo na umalis na siya sa Star Image Management matapos humingi ng payo sa kanyang pamilya at mga kaibigan.
Kumunsulta rin daw siya sa isang abogado tungkol sa nilalaman ng kontrata para na rin dumaan sa legal ang lahat ng proseso.
May duda kasi siya sa mga naganap dahil una rito, tinanggap daw ng naturang management ang kanyang passpost (bilang valid ID) kahit ito ay expired na. Kinuha rin umano ng management ang kanyang cellphone number upang sila na mismo ang mag-screen ng mga tawag niya.
Humingi naman daw ng permiso ang management tungkol dito ngunit napag-isipan ni Madam Inutz na mali ang ginawa niya dahil personal niya itong number. Talagang naguguluhan daw siya sa bilis ng mga pangyayari.
Marami ang natuwa dahil malaya na si Madam Inutz na makapili kung sino talaga ang may kakayahan na makakapag-alaga sa kanya.
Dito na nga nabanggit ng kanyang followers ang pangalan ni Wilbert Tolentino. Anila, kung magpapa-manage si Madam Inutz kay Wilbert ay tiyak na maaalagaan siya nito at siguradong gaganda ang karera niya at may patutunguhan ang kikitain niya.
Swak daw ang dalawa bilang manager at talent dahil pareho sila ng personality na mapagmahal sa pamilya at sa kapwa at higit sa lahat, mapagbigay si Sir Wil kaya siguradong walang pag-aaway na magaganap tungkol sa pera.
Samantala, panoorin ang collab nina Sir Wil, Madam Inutz ay Herlene Budol o “Hipon Girl” sa Wilbert Tolentino Vlogs.
May sorpresang handog dito si Sir Wil na nagbigay ng P100,000 para kay Madam Inutz at additional P100,000 sa nanay niyang may sakit.
Sobrang pasasalamat naman ni Madam Inutz sa generosity ng vlogger-businessman.
Ito naman ang mensahe niya sa kanyang fans at followers, “Kaya lesson learned mga inutil. Sa susunod na may mag-offer sa inyo, ‘wag kayong padalus-dalos katulad ni inutil. Inutil nga di ba?
“Kumbaga wala nga akong kaalam-alam, ‘di ba? Sa sobrang kagalakan na hindi ko ini-expect, masayang-masaya ang puso ko kaya ‘di ko akalain na sa sobrang saya mo pala, nagkakaroon ka ng bad decision na hindi tama. Dapat pala kumunsulta muna ako, nagtanong muna ako,” diin pa niya.