Luis Manzano, Mikael Daez at Andrea Torres
IBINUKING ng Kapuso sexy actress na si Andrea Torres ang namagitang away sa pagitan nila noon ng kanyang leading man na si Mikael Daez.
Kuwento ng dalaga, nangyari ito habang ginagawa nila ang una nilang teleserye sa GMA 7 at hindi pa sila masyadong close sa isa’t isa.
Ayon kay Andrea na napapanood ngayon sa Kapuso primetime series na “Legal Wives”, tandang-tanda pa niya ang dedmahan nila ni Mikael that time pero hindi na niya idinetalye kung ano ang dahilan ng kanilang pag-aaway.
“Almost the whole show, hindi kami magkasundo talaga ni Mikael. Magkagalit kami, as in magkaaway kami,” pag-amin ni Andrea sa isang GMA digital show.
Aniya pa, “Kasi nagkaroon kami ng tampuhan noong nagpo-promote kami ng show. Kasi pareho naming first show ‘yon so medyo pressured kami na mag-work ‘yung loveteam,” kuwento pa niya.
“May isa sa mga promos na nagkatampuhan kami na halos the whole time na ginawa namin ‘yung show ay ‘di kami nagpapansinan. So it was after the show na naging super close kami,” dagdag pang chika ni Andrea.
Pagkatapos ng nasabing teleserye, nagkasunud-sunod na nga ang ginawa nilang projects sa GMA hanggang sa itambal na sila sa ibang Kapuso stars.
Samantala, inamin ni Andrea na inatake siya ng sepanx o separation anxiety pagkatapos ng huling lock-in taping nila para sa “Legal Wives.” Talagang affected daw siya nang maghiwala-hiwalay na sila ng kanyang mga katrabaho.
“Nakakasenti, sobrang nakakiyak kasi ang tagal naming magkakasama. Since last year magkakasama na kami. ‘Yung first lock-in namin was November yata eh.
“Nakakalungkot lang, masaya na natapos na kayo finally pero nakakalungkot kasi nga magkakasundo kaming lahat. ‘Yun ‘yung set na kahit sinong maabutan mo, magtatagal ka dun kasi makakawentuhan mo nang matagal,” aniya pa.
* * *
Isang masaya at naiibang collab sa YouTube ang inilunsad kamakailan ng Ginebra San Miguel at ng Kapamilya actor at host na si Luis Manzano.
Ang G-Mix Nation, ang pinakaunang online mixology series ng GSM ay naglalayong magturo sa mga manonood ng bartending o paggawa ng cocktails o mixed drinks kahit sa kanilang mga tahanan at para mas lalong maiangat ang pagtingin sa art ng cocktail mixing.
Hindi na bago kay Luis ang bartending dahil nagtapos siya ng kursong Hotel and Restaurant Management sa College of St. Benilde.
“There’s something magical about being a bartender. When you’re out with friends and someone’s mixing a drink, you can’t help but look. Ibinalik ako ng G-Mix Nation sa mga panahon ng bartending class ko noong ako ay estudyante sa kolehiyo,” ani Luis.
Nang mag-umpisa ang COVID-19 pandemic last year maraming mga Pilipino ang nag-umpisa ng mga bagong libangan tulad ng pagluluto, baking, at pagiging plantito at plantita. Para kay Luis, ang cocktail mixing ang isa pang libangan na pwedeng gawin ng mga Pinoy lalo na ang gin ang kanilang paboritong inumin.
“Ako na ang nagsasabi sa inyo na mae-enjoy niyo ang panonood ng G-Mix Nation. Noong bago mag-pandemic, madalas umo-order lang tayo pero hindi natin napapansin ang hirap at ang talento ng bartender sa paggawa ng cocktails. This is one big learning experience where you get to appreciate the art of cocktail making and learn a new skill,” aniya pa.
Kasama rin niya sa G-Mix Nation online mixology series sa YouTube ang ilan sa mga sikat na online influencers pati na rin ang ilan sa mga sikat na celebrities tulad nina Sue Ramirez at dating Barangay Ginebra San Miguel player Jayjay Helterbrand.