Donnalyn kinampihan ng anak ng lolang namatay: Wala kang kasalanan at hindi ka nagkulang


NANANATILING tahimik ang singer-actress at vlogger na si Donnalyn Bartolome tungkol sa isyu ng pagpapabaya diumano nito sa kanyang lola.

Isang vlogger na nagngangalang Jose Hallorina ang muling naglabas ng video ng kuwento ni Nanay Josie na itinuturong lola na pinabayaan raw ng pamilya ng aktres.

Bukod pa rito, naglabas rin ito ng kanyang pahayag matapos makatanggap ng demand letter mula sa kampo ng aktres matapos itong maglabas ng video ukol sa pagkamatay ni Nanay Josie.

Ayon kay Jose, hindi naman raw niya ito pinangalanan ngunit bakit raw tila guilty ang dalaga. Dagdag pa nito, nauna raw na mag-breach ng contract si Donnalyn nang mag-reply itong sa comment ng isang netizen tungkol sa “lola” niya.

Ang kontratang sinasabi ay ang pinirmahan nila noon nang ibalik ni Jose sa pangangalaga ng pamilya ng dalaga si Nanay Josie. Nakasaad raw rito na idi-delete ang lahat ng posts at videos at hindi na muling magsasalita para protektahan ang image ng dalaga.

Ngunit tila taliwas ang pahayag ni Jose sa inilabas na statement ng anak ng namayapang si Nanay Josie na si Dennis Devera.

Nilinaw nito na hindi si Nanay Josie ang lola nito bagkus kapatid lamang ng tunay na lola ng singer-actress.

Dagdag pa, hindi nagkulang ang dalaga sa pagtulong sa kaniyang ina noong buhay ito hanggang sa pagpapa-cremate nag ito’y pumanaw kahit hindi niya ito obligasyon.

Hindi naman daw kasi lahat ng pagtulong na ginagawa ng dalaga ay kinukunan ng camera. Ayon pa kay Dennis, binilhan ng dalaga si Nanay Josie ng motor, binagyan ng pang-negosyo at binayaran rin nito ang lahat ng utang ng matanda.

Bukod pa rito, nagbibigay rin ang dalaga ng monthly allowance at umupa pa ng bahay para may masilungan ang kaniyang ina.

Giit pa niya, hindi laging nakaharap sa kamera ang pagtulong ni Donna at hindi katulad ng vlogger (Jose Hallorina) na nangdidiin sa kanya.

Ayon pa sa kanya, scripted raw ang video ni Nanay Josie.

“Umiiyak na humingi ng tawad ang mama ko kay Donna. Kilala na pala ng nagbidyo ang mama ko bago pa kinunan ang unang bidyo na lumabas. Alam nadin ng youtuber na naninira (Jose Hallorina) kung saan siya nakatira tila kinuha niya ang loob para gamitin o bago pumayag sa bidyo.

“Nangako ang mama ko na wala siyang alam na idadamay sa bidyo si Donna noon. May solidong pruweba kami para kahit wala na siya ay lalabas parin ang totoo mong hangarin. Walang masamang tumulong pero kaya mo itong gawin na walang tinatapakang tao,” kuwento ng anak ni Nanay Josie.

Malaki rin daw ang utang na loob nito sa pamilya ni Donna dahil sa kanila nagmula ang puhunan niya sa kaniyang negosyo, apat na taon na ang nakakalipas.

Hinamon rin niya ang vlogger na si Jose na sana ay siya ang hinanap nito at ginawang title sa vlog.

“Sasagutin kita ngayon kung bakit bumalik ang Mama ko sa panlilimos. Marahil mas malaki ang kinikita niya doon pagka’t batid niya minsan umaabot sa 30k ang nalilikom niya sa panlilimos kada buwan,’ sagot nito sa pasaring ni Jose kung bakit namamalimos si Nanay Josie.

Sa isyu naman kung bakit mayroong number ni Donna si Nanay Josie, ibinigay raw ng dalaga ang kaniyang number noong panahong namatay ang tunay nitong lola para tawagan siya kung sakaling mangailangan ito ng tulong.

“Limang taon nakaraan binigyan ng contact number ni Donna ang mama ko sakaling kailangan niya ng tulong. Mga oras yun na namatay ang tunay na lola ni Donna pero hindi niya ito kinontact kaya walang alam yung bata sa sitwasyon ng Mama ko noon pa. May alitan sa pamilya kaya minabuti ng mama ko na hindi makaistorbo ayon sa kanya nung nagharap harap kami kasama ang mga abugado at youtuber na naninira,” pagpapatuloy nito.

Ikinuwento rin nito ang naganap noong December 2019 kung saan pumirma si Jose ng kasunduan na idedelete ang lahat ng posts at videos kapalit ng hindi pagtutuloy ng kaso dahil ayaw ng dalaga na madamay ang kanyang ina sa ginagawa ni Jose.

Tila ginamit lang ni Jose si Nanay Josie at ang koneksyon nito Donnalyn bilang content dahil sikat nga naman ang dalaga.

Nagbahagi rin si Dennis ng larawan na ipinagpapasalamat niya na nakunan noon ng nagtatrabaho sa lugar na pinagbilhan ng dalaga ng motor para sa kanyang ina.

“Ako nalang ang hihingi ng tawad sa’yo Donna. Hindi sapat itong aking naisulat para makabawi sa lahat ng sakit na nararamdaman mo. Hindi rin ako maalam kung paano magreport ng bidyo para mapatigil ang pang aagrabyado sa’yo pero sana makatulong malinawan ang lahat na wala kang kasalanan at hindi ka nagkulang,’ paghinging paumanhin ng anak ni Nanay Josie sa singer-actress.

“Sana maging matalino tayo sa lihim na intensyon sa pagbalik ng isyu na ito. Para makaangat ay maninira ng iba,’ hiling ni Dennis sa mga netizens.

Read more...