Kris Aquino at Corinne Abalos
NAPAKASWERTE naman ng isa sa mga aspiring beauty queen na nakikipaglaban ngayon para makapasok sa Top 30 ng 2021 Misa Universe Philippines.
Hindi man siya ang nagna-number one ngayon sa mga online challenges ng pageant, napakalaking factor na para kay Maria Corazon “Corinne” Abalos ang ikampanya at suportahan ng Queen of Media na si Kris Aquino.
Ibinandera ng award-winning TV host-actress sa social media ang 100% support niya para kay Corinne na siyang representative ngayong taon ng Mandaluyong City para sa Miss Universe Philippines 2021.
Sa pamamagitan ng kanyang Instagram, hayagang nakiusap si Kris sa milyun-milyon niyang followers na mag-download na ng Miss Universe app at iboto si Corinne.
Sa mga hindi pa nakakaalam, ang dalaga ay anak nina Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos.
Ipinost ni Kris ang headshot ni Corinne sa kanyang IG page na may caption na, “I don’t do this for just anybody — but when her full name is Maria Corazon (exactly like my mom’s) and our relationship with her family goes all the way back pre-Edsa Revolution.
“Plus, her grandparents share the same initials as my dad (BSA) and my mom (CCA), then obviously alam niyo na. CORINNE ABALOS has my full support for Ms. Universe Philippines,” pahayag pa ng veteran TV host.
Ipinaliwanag din niya kung bakit karapat-dapat iboto at makapasok sa Top 30 ng Miss Universe Philippines 2021 si Corinne.
“I have never been afraid to make my choices known and since we do live in a democracy, pwede kayong mag-disagree with me.
“But Corinne is a worthy candidate, educated in Poveda and she graduated from DLSU (De La Salle University) in 2019 with a degree in AB International Studies Major in European Studies. Definitely, hindi tayo mapapahiya sa Q&A.
“To all my friends & followers, I hope you give her a chance,” mensahe pa ni Tetay.
Agad namang nag-reply ang beauty queen sa comments section ng IG post ni Kris. Aniya, hindi siya makapaniwala na ipinost pa ng TV host ang litrato niya sa Facebook at Instagram at may kasama pang pangangampanya.
“Thank you so much, Tita,” ani Corinne na may kasama pang dalawang heart emoji.
Sa ngayon, ilan sa mga early fan favorite sa 2021 Miss Universe Philippines pageant ay sina Kisses Delavin, Maureen Wroblewitz, TikTok star Ayn Bernos, Miss Globe 2019 2nd runner-up Leren Mae Bautista at Miss Supranational 2018 1st runner-up Katrina Dimaranan.
Gaganapin ang grand coronation night sa darating na Sept. 25 kung saan ipapasa na ni Rabiya Mateo ang kanyang titulo at korona sa susunod na reyna na siya namang magiging representative ng Pilipinas sa 2021 Miss Universe na gaganapin sa Israel sa December.